VP Duterte, handang sumailalim sa lie detector test
MANILA, Philippines — Tinanggap ni Vice President Sara Duterte ang hamon ni Rodulfo Gracioso Jr. ang sinibak na pulis na sumailalim sa lie detector test o polygraph test kasunod ng paratang na tumanggap siya ng male-maletang pera.
Ito ay kung ipapakita aniya ni Gracioso Jr. ang resulta ng sarili nitong lie detector test sa publiko.
“Wala akong problema sa lie detector test pero ipakita muna nila ‘yung public na lie detector test ni Gracioso,” wika ni VP Sara.
“Kasi ang nagke-claim lang naman na pumasa siya sa lie detector test si Gracioso mismo,” aniya pa.
Una na ring sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na bago naglabas ng affidavit ay sumailalim si Gracioso sa lie detector test noong Setyembre 30 at 99% ay pumasa ito.
Iginiit din ni Duterte na hindi agad-agad lumalabas ang resulta ng lie detector test.
Aniya, kung isasagawa ang pagsusuri ngayong araw, hindi nangangahulugang makukuha na agad ang resulta kinabukasan dahil kailangan pa itong suriin at basahin ng eksperto.
Matatandaang una nang sinabi ni Gracioso na sa intruksiyon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, ay naghatid siya ng male-maletang pera kina VP Sara, Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, at kanilang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte.
- Latest

















