Walang ‘taas-presyo’ sa state of calamity – Malacañang
MANILA, Philippines — Mahigpit na ipagbabawal ng pamahalaan ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin sa panahon ng “state of calamity” sa buong bansa na pinalawig ng isang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Malacañang, iiral at tuluy-tuloy ang price freeze hangga’t nasa ilalim ng state of calamity ang bansa.
Bukod sa pagbabawal magtaas ng presyo ng mga bilihin, maaari na ring magamit ng mga local government units (LGUs) ang kanilang calamity funds.
“Tuluy-tuloy po ’yan (price freeze)....iyong mga lokal na pamahalaan ay puwede na po nilang magamit iyong kanilang mga calamity funds at siyempre po iyong mga probisyon ng Bayanihan I and II ay iiral na po dahil marami pong requirements doon sa Bayanihan II na nangangailangan ng state of calamity,” ani Roque.
Nauna nang inanunsiyo ni Roque na ang state of calamity ay iiral mula noong Seytembre 13, 2020 hanggang Setyembre 21, 2021.
Samantala, tiniyak din ni Roque na sapat ang pondo sa ilalim ng Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act para sa mga hakbang na gagawin para malabanan iyong pagkalat ng virus.
Muling sinabi ni Roque na nakapaloob sa nasabing batas ang P13 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho, samantalang P140 bilyon ang ilalaan para sa mga nais magsimula ng negosyo. Binigyan din ng 60 araw na ekstensiyon o palugit ang mga dapat bayarang utang o bills.
- Latest