P11 milyon pananim nasira sa matinding tag-init
MANILA, Philippines — Pumalo na sa P11 milyon ang halaga ng mga agricultural crops na nasira bunsod ng matinding init ng panahon sa Kidapawan City, North Cotabato.
Ayon kay Marisa Aton, acting city agriculturist, pinakaapektado ng nararanasang matinding tag-init ay ang mga rice farmers at mga nagtatanim ng mga saging.
Sa pagtaya ni Aton, nasa mahigit isang libong rice farmers habang nasa 700 magsasaka ng mais ang apektado ng dry spell sa lungsod. Hindi pa kasali dito ang libu-libong mga puno ng saging na nasa fruiting season na natumba dahil napinsala ng malakas na hangin matapos na umulan nitong nakaraang araw.
Gayunman, maaari pang tumaas ang halaga ng pinsala sa agrikultura kapag nagtuluy-tuloy ang nararanasang kakulangan ng ulan at mainit na temperatura sa mga susunod na mga araw.
Samantala, maging ang mga alagang baka na nakatakda sanang ipamahagi sa mga magsasaka ay apektado na rin ng tagtuyot. Tuyot na kasi ang pastulan ng mga ito, kaya kailangan pang kumuha ng mga damong ipapakain sa mga ito sa Barangay Luvimin. Problema rin ang tubig na kailangang ipainom sa mga alagang baka, kaya ang caretaker ng City government sa Brgy. Kalaisan ay nagpasaklolo na sa Bureau of Fire Protection upang may mainom ang mga hayop.
- Latest





















