‘Kaibigan ni Roxas’ nadakip sa entrapment
MANILA, Philippines - Isang lalaki na nagpapanggap na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) reserve command, malapit na kaibigan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at ka-batch ni DOTC Sec. Jun Abaya ang dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa Cubao, Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Dindo Escorpion na inireklamo ng biniktima nitong si Regeve Capalac na nakuhanan ng P534,000 na umano’y gagastusin nito sa pag-aaplay ng prankisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa kanyang 10 utility vehicles.
Napag-alaman sa ulat ng NBI, siyam na beses umanong humingi ng pera si Escorpion kay Capalac, na nagsimula nitong nakaraang Disyembre 3, 2011 hanggang Setyembre 25, 2012. Bukod pa sa idinagdag na P10,000 para umano sa mas mabilis na pagpapalabas ng dokumento sa tanggapan ni Abaya noong Oktubre 19, 2012.
Sa naturang imbestigasyon, nalaman mula kay Maj. Ruperto Reaso, Adjutant Command ng AFP Reserve, na hindi kaanib ang suspek sa AFP.
- Latest