Kaklase, ‘di kalaban
Homestretch na ang PBA Governors Cup elims. Pa-semis na ang MPBL. Umiinit ang bakbakan sa UAAP at NCAA. Kung hindi ka pa nabubulunan sa basketball, ayan pa at parating na ang 2026-27 NBA season.
Kaya’t todo maktol ang ibang sports. Anila, puro basketbol, wala naman tayong pag-asa dyan. Tapunan n’yo naman ng atensyon ang ibang sports.
Pero teka. Bakit kailangang pag-awayin? Hindi mo mapipigil ang Pinoy na mahalin ang basketball. Nasa dugo na ‘yan — ‘yung ring na nakapako sa puno ng mangga, ‘yung court na may dumadaang manok, ‘yung pustahang ice-tubig.
Hindi mo buburahin ‘yan ng memo. Hindi kasalanan ng basketball fan kung mahal niya ang basketball.
Ang problema ay ‘yung mindset na kailangan mong mamili. Akala natin kapag nagmahal ka ng isa, kailangang iwan mo ‘yung iba.
Kaya nating suportahan lahat. Kaya mong mag-cheer sa Batang Kankaloo sa hapon, tapos manood ng Cool Smashers vs Thunderbelles sa gabi. Kaya mong sigawan ang NLEX sa Big Dome, tapos i-check kung nag-eagle ba si Clyde Mondilla sa Pueblo de Oro. Kaya mong mainis sa tawag ng referee sa UAAP, tapos kabahan sa laban ni Alex Eala.
Hindi kulang ang puso ng Pilipino. Kulang lang minsan sa promotion.
Kung ang ibang sports ay naghihintay lang na bigyan sila ng atensyon ng basketball, talo na sila sa simula pa lang. Hindi trabaho ng PBA na i-promote ang golf. Hindi trabaho ng MPBL na i-promote ang tennis. Trabaho ‘yan ng liderato ng bawat sports.
Tingnan n’yo ang volleyball, pinupuno ang MOA. Ang laro ni Alex Eala ay pinagpupuyatan.
Ang basketball, hindi kalaban. Kaklase ‘yan.
- Latest
















