Letran diretso sa 3
MANILA, Philippines — Pinahaba ng Letran ang kanilang winning streak sa tatlo matapos nilang tuhugin ang Emilio Aguinaldo College, 91-80 sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil Centre sa San Juan kagabi.
Kinapitan ng Knights sa opensa ang rookie na si Justin Cargo na nilista ang 22 points, tatlong rebounds at dalawang steals para akayin ang koponan sa top spot ng team standings sa Goup B hawak ang 3-0 card.
Bahagyang nakaungos ang Letran sa unang dalawang periods, hinawakan nila ang four-point lead, 43-39 sa halftime subalit hindi basta nagpaiwan ang EAC, humabol sila upang itabla ang iskor sa 61-all sa pagtatapos ng third canto.
Biglang uminit ang opensa ng Knights sa simula ng fourth quarter, tumuhog ito ng 10-0 run para hawakan ang 10-point lead, may 7:51 minuto pa sa orasan.
Lumobo pa sa 14 ang nilamang ng Knights, 88-74 matapos ang split free throws ni Jonathan Manalili may 2:43 minuto na lang sa fourth period.
Hindi na nakahabol ang Generals para masikwat ng Letran ang importanteng panalo.
Bokya pa rin sa panalo ang EAC sa tatlong salang.
Samantala, nagwagi ang defending champion San Beda University sa Lyceum of the Philippines, 83-74 para ilista ang 1-1 karta at upuan ang third spot sa Group A sa unang laro.
Kumana si Daniel Marcelo ng 16 points at walong rebounds para sa Red Lions para ipalasap sa Pirates ang pangalawang talo sa tatlong laro.
- Latest





















