Adriano kumana ng tanso

MANILA, Philippines — Hataw ng tansong medalya si Marie June Adriano para makapagdagdag ng koleksiyon sa medal tally ng Pilipinas sa 2026 Asian Games karate competitions sa Toyohashi City, Japan.
Naibulsa ni Adriano ang tansong medalya sa women’s kumite -50kg division matapos pataubin si Chinese Taipei bet Ya-Chi Chung sa bendisyon ng 10-3 panalo sa kanilang bronze medal match.
Ito ang unang pagkakataon na sumabak si Adriano sa Asian Games.
Subalit hindi nakitaan ng kaba si Adriano na nakipagsabayan sa matitikas na karatekas sa Asya.
“Super laking bagay niya para sa akin. As a first-timer, talagang ‘yung pressure, nandoon lahat. Sobrang happy po ako na isa ako sa napili at nakapagbigay ako ng medalya para sa Pilipinas,” ani Adriano.
Una munang tinalo ni Adriano si Cambodian Srey Phea Chonn, 4-3, at South Korean Yang Yewon, 4-0, bago yumuko kay Hong Kong fighter Tsang Yee Ting, 5-4, sa semifinals.
Inspirado si Adriano dahil dalawang beses na itong tinalo ni Chung sa kanilang mga nakalipas na torneo.
Kaya naman matamis na resbak ito para kay Adriano.
“Pangatlong beses na po naming nagharap,” ani Adriano.
Ito ang ikalawang tanso ng karate squad sa Asian Games.
Una nang humirit ng tanso ang Philippine women’s kata team na binubuo nina Rebecca Cyril Torres, Samantha Emmanuelle Veguillas at Ysabielle Arrogante.
- Latest




















