TNT Tropang Giga tablado sa Painters
MANILA, Philippines — Humirit ng ‘rubber match’ ang Rain or Shine matapos kaldagin ang TNT Tropang Giga, 121-113, sa Game Two ng kanilang best-of-three quarterfinal series sa 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagningning si Jhonard Clarito na pumukol ng career-high 29 points sahog pa ang 7 rebounds at 4 assists para banderahan ang balikwas ng Elasto Painters.
Tumaob ang RoS sa Game One, 116-99, subalit lintik lang ang walang ganti nang tambakan din ang TNT sa tulong ni Andrei Caracut na may 21 points, 5 rebounds at 2 assists.
Balance ang naging opensa ng mga bataan ni coach Yeng Guiao na na nakakuha ng tig-20 markers kina Santi Santillan at rookie Adrian Nocum, habang may kumpletong 12 points, 4 rebounds, 3 assists, 1 steal at 1 tapal si Gian Mamuyac.
Magsasabong sa deciding Game Three ang No. 4 Elasto Painters at No. 5 Tropang Giga sa Miyerkules para sa tiket sa Final Four kontra sa mananalo sa pagitan ng No. 1 San Miguel Beermen at No. 8 Terrafirma Dyip.
Nakapuwersa ng isang knockout game ang Dyip sa ‘twice-to-beat’ na Beermen matapos ang 106-95 panalo sa Game One.
Nakauna naman sa semis ang No. 2 Ginebra na inilalag ang No. 7 Magnolia, 99-77, upang maikasa ang duwelo kontra sa No. 3 Merlaco o No. 6 NLEX.
Kiskisan ang Rain or Shine at TNT sa unang tatlong yugto at nagtabla sa 95-95 papasok sa fourth quarter.
Nagpakawala ang ROS ng 11-2 ratsada na tinuldukan ng lay-up ni Nocum upang makalayo sa 106-97 na naging susi nila sa tagumpay.
Balanse rin ang naging sulong ng Tropang Giga tampok ang anim na players na may double digits sa pangunguna ng 28 points ni Roger Pogoy.
Kumamada rin ng 17, 15 at 13 markers sina Jayson Castro, Kim Aurin at Glenn Khobuntin, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-11 points sina Calvin Oftana at Kelly Williams.
- Latest