Bucks dinomina ang OKC Thunder
MILWAUKEE — Humakot si Giannis Antetokounmpo ng 30 points at season-high 19 rebounds para banderahan ang Bucks sa 118-93 paggupo sa Oklahoma City Thunder.
Itinala ni Khris Middleton ang kanyang ikalawang career triple-double sa tinapos na 11 points, 10 rebounds at 10 assists para sa Milwaukee (46-25).
Nag-ambag si Bobby Portis ng 15 markers, habang may 14, tig-11 at 10 points sina Brook Lopez, Damian Lillard, Pat Connaughton at Jae Crowder, ayon sa pagkakasunod.
Nalimitahan naman si Shai Gilgeous-Alexander sa 12 points sa panig ng Oklahoma City (49-21) at hindi na ginamit sa kabuuan ng fourth period.
Kinuha ng Bucks ang 48-47 at halftime at kumamada ng 18-2 atake sa unang anim na minuto ng third quarter para tuluyan nang iwanan ang Thunder at angkinin ang panalo.
Sa Los Angeles, kumolekta si Anthony Davis ng 36 points at 16 rebounds at nagposte si LeBron James ng 26 points at 10 assists sa 150-145 pagdaig ng Lakers (39-32) sa Indiana Pacers (40-32).
Sa Minneapolis, umiskor si Anthony Edwards ng 23 points at nagsalpak ng tatlong free throws sa huling 12 segundo sa 114-110 pagtakas ng Minnesota Timberwolves (49-22) sa Golden State Warriors (36-34).
Sa Miami, naglista si Haywood Highsmith ng 18 points para pamunuan ang Heat (39-32) sa 121-84 demolisyon sa Cleveland Cavaliers (43-28).
Sa Los Angeles, nagtala sina Tobias Harris at Tyrese Maxey ng tig-24 points para gabayan ang Philadelphia 76ers (39-32) sa 121-107 panalo sa Clippers (44-26).
Sa Detroit, nagpasabog si Zion Williamson ng 36 points sa 114-101 paggiba ng New Orleans Pelicans (44-27) sa Pistons (12-59).
- Latest