NU at UST agawan sa 1-0 lead sa UAAP Finals
MANILA, Philippines — Makikipagtuos si Bella Belen sa matalik niyang kaibigan sa pagsisimula ng best-of-three finals ng 86th UAAP 2023-24 women’s volleyball tournament sa pagitan ng University of Santo Tomas at National University sa Smart Araneta Coliseum.
Pero masayang haharapin ni Belen si Detdet Pepito.
Si Belen ang panargo sa opensa ng 2023 runner-up Lady Bulldogs, habang si Pepito ang pambatong libero ng Golden Tigresses.
Magsisimula ang paluan ngayong alas-4 ng hapon.
Sumampa ang NU at UST sa finals matapos nilang patalsikin ang Far Eastern University at defending champions De La Salle University, ayon sa pagkakasunod.
Para kay Belen, masaya siyang makakalaban ang kaibigan at dating teammate na si Pepito.
“Masaya kasi makakalaban ko si Detdet sa Finals. Dati teammate ko lang siya noong elementary and noong high school magkalaban din kami,” sabi ng Season 84 MVP na si Belen.
Dumaan sa butas ng karayon ang Lady Bulldogs bago sumampa sa championship round kung saan sila natisod sa Game One matapos walisin ng Lady Tams at dahil may bonus na ‘twice-to-beat’ bonus ay nakahirit ang una ng ‘do-or-die’ game.
Sa Game Two ay ipinakita ni Belen ang kanyang husay at determinasyon upang diskarilin ang FEU sa tatlong sets at nagtala ng 21 points mula sa 16 attacks at limang service aces at 14 digs.
- Latest