Gilas Women’s team pa-Jordan ngayon
MANILA, Philippines — Lilipad ngayon patungong Amman, Jordan ang Gilas Pilipinas Women’s team para sa 2021 FIBA Women’s Asia Cup na lalarga sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.
Paglapag sa Jordan ay sasailalim pa sa mandatory three-day quarantine ang koponan bago umarangkada sa huling bahagi ng preparasyon nito kontra sa mga powerhouse clubs na Australia, China at Chinese Taipei sa Group B.
Halos isang buwan sumalang ang Gilas sa training bubble sa Summit Point Golf and Country Club sa Lipa, Batangas matapos ang halos dalawang taong pahinga mula noong 2019 Southeast Asian Games.
Sa Jordan ay magkakaroon pa ng ilang araw na ensayo ang Nationals bago sumagupa kontra sa China, Australia at Chinese Taipei ng Group B sa Setyembre 27, 28 at 29, ayon sa pagkakasunod.
Nasa Group A ang reigning champion Japan, South Korea, New Zealand at India.
Isang koponan lang kada grupo ang aabante sa knockout semifinals at ang segunda at tersera puwestong koponan ay magsasabong sa crossover duel patungo sa semis.
Ang kulelat kada grupo ay maglalaban sa classification match upang matukoy kung sino ang koponang mananatili sa elite Division A ng Asia Cup.
- Latest