Pangarap ni Taduran nagkaroon ng katuparan
MANILA, Philippines — Sa kanyang ikalawang pagtatangka ay tuluyan nang naisuot ni Pedro Taduran ang pinapangarap niyang world boxing crown.
Umiskor si Taduran ng isang fourth-round stoppage win laban kay Samuel Salva para angkinin ang bakanteng International Boxing Federation minimumweight title noong Sabado ng gabi sa Jurado Hall ng Philippine Marine Corp sa Taguig City.
Nalampasan ng 22 na tubong Libon, Albay ang isang first-round knockdown para resbakan si Salva.
Naikonekta ng 22-anyos ding si Salva ang kanyang pinakawalang counter right para paluhurin si Taduran sa opening round.
Kaagad namang tumayo si Taduran (14-2-0, 11 KOs) at naging agresibo sa sumunod na third at fourth rounds para kumuha ng mga puntos laban kay Salva (17-1-0, 10 KOs).
Papasok ng fifth round ay hindi na ma-kagulapay si Salva na nagtulak kay referee Danrex Tapdasan para itigil ang nasabing bakbakan.
Unang lumaban si Taduran para sa world title noong Agosto ng nakaraang taon kung saan natalo siya kay Chayaphon Moonsri ng Thailand sa Nakhon Sawan, Thailand.
Si Taduran ay kinuha naman ni World Boxing Council light flyweight king Ken Shiro bilang sparmate sa Japan.
Ang nasabing Taduran-Salva match ang ikalawang pagkakataon na naglaban ang dalawang Pinoy para sa world boxing crown na idinaos sa bansa.
Ang unang all-Pinoy world title fight sa bansa ay nangyari noong Mayo 2, 1925 nang naidepensa ni Pancho Villa ang kanyang titulo kontra kay Clever Sencio sa Manila.
- Latest