Boss Emong masusubukan sa Bagatsing Open Classic
MANILA, Philippines — Isasalang ulit sa stakes race ang Boss Emong para puntiryahin ang titulo sa 11th “Mayor Ramon D. Bagatsing Sr.” Three-year-old Open Classic (Local & Imported).
Ilalarga ang nasabing karera sa Race 9 mamayang alas-7:10 ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Markado ang Boss Emong na pag-aari ni Edward Diokno sa event na nakalaan ang P900,000 guaranteed prize mula sa Philippine Racing Commission, (Philracom).
Pero ayon sa ibang karerista ay baka hindi gamay ng hinete ang Boss Emong dahil ang nagdala sa kabayo noong manalo sa 2nd Leg ng Triple Crown series ay si class A rider Dan Camañero.
Si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) jockey of the year awardee Jonathan Hernandez ang sasakay kay Boss Emong.
Naniniwala naman ang mga fanatiko ni Hernandez na kaya nitong maipanalo ang Boss Emong.
“Star jockey iyan, magaling na hinete at nag-ensayo naman sila kaya malaki ang tsansa nilang manalo,” saad ni Carlito Salvador na palaging nanonood ng ensayo sa karerahan.
Makakalaban ng Boss Emong sa 1,500 meter race ay ang The Accountant, Will To Win, Phenomenal, My Dad Bogart at Early Bird.
Samantala, pakay naman ng Hitting Spree na makabawi sa Viva Morena magkukrus ang kanilang landas sa 11th “Mayor Ramon D. Bagatsing Sr.” (Challenge of Champions Cup) na pakakawalan sa Race 4.
Tiyak na magandang laban ang masisilayan dahil bukod sa may habang 1,750 meter race ay tumataginting na P1 million guaranteed prize ang paglalabanan kasama ang tatlo pang kalahok na Certain To Win, Und Kantar at Pangalusian Island.
Outstanding favorite ang Hitting Spree ng talunin ng Viva Morena sa “Four-Year-Old & Above Stakes Race” noong nakaraan buwan.
- Latest
















