NorthPort lusot sa NLEX
MANILA, Philippines — Hindi si import Prince Ibeh ang nagdala sa mga Batang Pier sa panalo.
Nagsalpak si veteran forward Sean Anthony ng isang putback at dalawang free throws sa dulo ng final canto para itakas ang NorthPort kontra sa NLEX, 83-79, sa 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos ang 6-foot-3 na si Anthony na may 17 points at 6 rebounds para sa ikalawang sunod na ratsada ng Batang Pier para saluhan ang Blackwater Elite sa liderato.
Humakot naman si Ibeh ng 19 rebounds, 15 markers at 2 assists, habang may 18, 14 at 10 points sina rookie Robert Bolick, Moala Tautuaa at Paolo Taha, ayon sa pagkakasunod.
Naglaro ang Road Warriors na wala si balik-import Tony Mitchell, hindi naayos ang mga papeles.
“Mahirap din talaga talunin. It’s all about breaks of the game,” pahayag ni NorthPort coach Pido Jarencio sa NLEX ni mentor Yeng Guiao. “But I’ll take it. A win is a win.”
Bagama’t walang import ay naitayo ng Road Warriors ang 43-35 bentahe sa halftime hanggang maabutan sila ng Batang Pier at agawin ang 78-74 abante mula sa three-point shot ni guard Nico Elorde sa huling 1:20 minuto ng fourth period.
Ang dalawang free throws ni guard Kenneth Ighalo ang nagtabla sa NLEX sa 79-79 sa natitirang 31.8 segundo.
Kasunod nito ang putback at free throws ni Anthony para sa NorthPort.
- Latest