Anthony bumandera sa Knicks; Durant nagbida sa Thunder
WASHINGTON - Ipinagpatuloy ni Carmelo Anthony ang kanyang pagbangon mula sa knee operation nang kumamada ng 21 points sa 115-104 panalo ng New York Knicks laban sa Washington Wizards sa preseason.
Tumipa si Anthony, sumailalim sa left knee surgery noong Pebrero, ng disenteng 10-of-15 fieldgoal shooting.
Nagsalpak siya ng isang turnaround fade away sa huling 1.9 segundo ng first half.
Sa kanyang unang laro matapos ang surgery ay nagtala si Anthony ng 8-of-10 clip para tumapos na may 17 points kontra sa Paschoalotto Bauru ng Brazil.
Kumolekta naman si 7-foot-3 Kristaps Porzingis, ang fourth overall pick sa nakaraang NBA Draft, ng 9 points at 10 rebounds para sa panalo ng New York.
Kumamada si Derrick Williams ng 13 sa kanyang 23 points sa fourth quarter para sa ratsada ng Knicks.
Nagpamalas naman si Bradley Beal ng nakakabilib na driving dunk para sa Wizards sa gitna ng third quarter.
Sa Oklahoma City, gumawa si Kevin Durant ng 13 points sa kanyang unang home game matapos noong Pebrero at tinalo ng Thunder ang Turkish team na Fenerbahce Ulker, 111-81.
Nagposte si Durant, hindi nakalaro sa halos kabuuan ng nakaraang season dahil sa broken right foot, ng 6-of-10 shooting bukod pa sa 5 assists at 4 rebounds sa loob ng 22 minuto.
Sa Jacksonville, Florida, tumipa si guard Dennis Schroder ng 11 points para tulungan ang Atlanta Hawks sa 103-93 panalo kontra sa New Orleans Pelicans.
Kinuha ng Atlanta ang bentahe sa pagtatapos ng third quarter at umarangkada sa fourth period para tuluyan nang iwanan ang New Orleans.
Pinangunahan naman ni superstar forward Anthony Davis ang Pelicans sa kanyang 20 points sa loob ng 26 minuto.
- Latest