Hiyasmin (283)
NAGMAMADALI si Hiyasmin sa pagbaba sa kinaroroonang balcony para makaharap at makausap ang hinahangaang speaker na si Mary Underwood. Pero bago pa siya makalapit ay nagkalipunpon na rito ang iba pang dumalo sa ad congress. Hindi lamang pala si Hiyasmin ang may nais na makilala, makausap at maka-selfie ang sikat na speaker.
Ganunman, nakipagsiksian si Hiyasmin para makalapit kay Mary Underwood. Pero dahil malalaking babae at lalaki ang nagkalipunpon kay Mary. Hindi siya makasingit. Hindi uubra ang height at liit ng katawan niya sa mga dambuhalang participants.
Walang nagawa si Hiyasmin kundi panoorin na lamang ang pakikipag-selfie ni Mary sa mga dumalo.
Isang grupo ang nagpakuha ng picture. Gustuhin man ni Hiyasmin, na makasama sa group picture, magmumukha siyang tanga. Isa pa, nahahalata niyang may discrimination ang grupong nagpakuha ng picture kasama si Mary.
Halos lahat nang kasama ay mga Puti. Wala ni isa mang Asian sa grupo.
Hanggang sa makita ni Hiyasmin, na lumapit na ang mga security personnel para pagbawalang makalapit kay Mary. Dumarami na ang mga gustong makipag-selfie at maka-hand shake kay Mary.
Hindi na nagpumilit si Hiyasmin—tanggap na niya na hindi makakalapit at makapagse-selfie sa hinahangaan niyang speaker. Mahirap makalapit kahit anong gawin niya.
Bukas ang last day ni Mary para sa pagsasalita. Hindi na nagbalak si Hiyasmin na makausap man lang ito o makapag-selfie. Hindi na siya magpipilit pa dahil masakit mabigo.
Kinagabihan, nakipag-video call uli siya kay Dax.
“Ano Love, nakalapit ka ba sa favorite mong speaker?” tanong ni Dax.
“Hindi Love, nakakainis nga!”
“Bakit?”
“Ang dami palang fans ni Mary. Lumalapit pa lamang ako, nagsuguran na ang mga participants at nagpakuha ng pictures. Hindi ako makasingit!”
“Parang si Nora pala yan!”
“Oo—ang daming fans!”
“So anong ginawa mo?”
“E di nagmasid na lang habang nagkakagulo kay Mary.”
“Kawawa ka naman. Sabagay huwag kang makipagsiksikan at baka maipit ang tiyan mo.”
“Bakit? E ano naman kung maipit?”
“Aba malaki ang suspetsa ko na buntis ka na.”
Nagtawa si Hiyasmin.
“Hindi pa naman sure, Love.”
“Bukas subukan mo uli na makausap si Mary.”
“Bahala na, Love.”
(Itutuloy)
- Latest