^

True Confessions

La Viuda (62)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SA loob ng bodega, mabilis na ibinuhos ni ­Hulyana ang natitirang langis sa nakatambak na tuyong dayami at mga lumang sako. Sabay na isinaboy niya ang asin sa paligid bago kinuha ang posporo. Nang sindihan niya ang dayami, agad na nagliyab ang malaking apoy na may kasamang makapal at itim na usok.

“Pasensiya na po, pero kailangan nang matapos ang kabaliwang ito,” bulong ni Hulyana habang umatras palabas.

Mabilis na gumapang ang apoy patungo sa sulok kung saan nakasalang ang palayok ni Mang Teban. Sa tindi ng init, bumigay ang patungan nito. Bumagsak at nabasag ang palayok sa semento, at tuluyang ­nilamon ng naglalagablab na apoy ang punit at duguang damit ni Andres.

Samantala, sa mansiyon, nakatutok pa rin ang baril ni Ernesto sa sariling sentido habang nanginginig sa galit at takot si Doña Presentacion.

“Ibaba mo ang baril, Ernesto! Nakikiusap ako!” sigaw ng Donya, bakas ang pagkataranta.

Ngunit bago pa man makasagot si Ernesto, ­napahiyaw sa matinding sakit si Mang Teban. Napahawak ang manggagaway sa dibdib at bumagsak nang paluhod sa marmol na sahig, habang lumalabas sa sulok ng labi at magkabilang taynga ang dugo.

“A-Ang palayok... nasusunog! Naputol ang orasyon!” sigaw ni Mang Teban.

Kasabay ng sigaw ang malakas na sigawan ng mga trabahador mula sa labas at ang pagpasok nang makapal na usok sa ilalim ng mga pinto ng mansiyon.

“Senyora! Nasusunog ang bodega!” tarantang sigaw ni Lucio habang tumatakbo papasok.

Nagkagulo ang mga tauhan sa bulwagan. Napatigil ang donya, nagpapalit-palit ang tingin sa nasusunog na bodega at kay Ernesto. “Lucio! Ang mga tauhan! Apulahin niyo ang apoy! Baka madamay ang mansiyon!”

Sa ikalawang palapag, sa mismong sandaling nabasag at nasunog ang palayok sa ibaba, marahas na hu­mabol ng hininga si Andres sa ilalim ng kama, na parang isang nalulunod na biglang nakaahon sa tubig. Nawala ang malamig na kawalan sa kanyang mga mata. Bumalik ang init, ang talas ng pag-iisip, at ang lahat ng alaala ng ginawa sa kanya. Hinaplos niya ang rosaryo sa kanyang leeg bago narinig ang sigawan at pag-iyak ni Kristina mula sa ibaba.

(Itutuloy)

DONA

USOK

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with