Ang Babae sa Silong (102)
“BAKIT ka naguguluhan, Dads?’’ tanong ni Gab.
Sa halip na sumagot, niyaya ni Dado si Gab sa bahaging damuhan.
“Dun nga tayo sa damuhang ‘yun Gab. Pangarap ko na nun pa na makaupo sa damuhan. Wala kasi kaming mauwiang probinsiya kaya hanggang sa panaginip na lang ang pag-upo sa damo.’’
‘‘Halika.’’
Inalalayan ni Dado si Gab patungo sa damuhan. Berdeng-berde ang mga damo sa dakong iyon na mga isang dangkal ang haba.
‘‘Anong tawag sa damong ito, Gab?’’ tanong niya nang nakaupo na sila.
“Hindi ako sure pero ang tawag ni Auntie Mona sa mga damong ito ay undan.’’
“Undan?’’
“Oo. Madalas din itong tumubo sa bakuran ng bahay. Mabilis itong humaba, sabi ni Auntie.’’
‘‘Ang sarap umupo rito. Madalas ka bang magtungo rito Gab?’’
“Minsan lang. Si Auntie Mona ang nagsama sa akin dito.’’
‘‘Kaninong lupa ito?’’
‘‘Kay Auntie Mona ito. Parte niya ito. Malawak ito hanggang dun sa palayang ‘yun.’’
“Ang sa mama mong parte nasaan?’’
‘‘Naibenta na. Ang pag-aari na lang ni Mama ay ‘yung bahay at lupa na tinitirhan niya.’’
‘‘Bakit naibenta ng mama mo ang kaparte niya?’’
‘‘Ibinili ng food stall sa P. Noval pero naibenta rin ang puwesto.’’
‘‘Malaki pala dati ang lupa n’yo ano? Isa ka palang asyendera dati.’’
Nagtawa si Gab.
‘‘Ngayon ay asindera na lang – nagdidildil ng asin, ha-ha-ha!’’ sabi nito na nakatingin sa damuhan.
“Mukha ka pa namang asyendera dahil sa kaakit-akit mong beauty.’’
Umirap si Gab.
Saka nagsalita.
‘‘Balikan nga natin ang pinag-uusapan kanina, Dads.’’
“Sige.’’
“Bakit ka naguguluhan? May kaugnayan ba sa sinabi sa iyo ni Mama kanina.
‘‘Oo.’’
‘‘Bakit?’’
“Kasi nga baka magkatotoo ang sinabi ng mama mo.’’
“Na ano?’’
“Na tayo ang magkatuluyan…’’
Natigilan si Gab. Walang kakurap-kurap sa pagkakatingin kay Dado.
(Itutuloy)
- Latest