^

Ang Babae sa Silong (7)

Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - January 13, 2021 - 12:00am

Napalingon si Dado nang marinig na may nagbukas ng pinto sa ku­war­tong pinauupahan sa silong.

Nakita niya na may luma­bas na lalaki. Sa tantiya niya ay mga 22 o 25-anyos ang lalaki. Guwapo. Katamtaman ang pangangatawan. Naka-pantalong maong at t-shirt.

Agad niyang binawi ang pagkakatingin at baka isiping tinitingnan niya ito.

Naisip ni Dado na baka asawa ng babae ang lala­king lumabas. Pero sa tingin niya ay bata pa ang lalaki para maging asawa ng ba­baing nangungupahan na ayon kay Manang Oya ay Gab ang pangalan. Sa tingin niya sa babae o kay Gab ay mga mahigit nang 30 anyos. Baka hindi nagkakahuli ang edad nila.

Pero naisip din naman ni Dado na hindi na kataka-taka ngayon kung mayroong nagkakaasawahan na mas matanda ang babae kaysa lalaki.

Nagpatuloy sa paglala­kad si Dado patungo sa sa­kayan ng dyipni sa España Blvd. Hindi siya nagmamadali sa paglalakad sa­pagkat ma­rami pa siyang oras. Matra­pik man siya sa España, ma­­­kakarating pa rin siya sa tamang oras sa kanyang opi­sina sa Port Area.

Isang dyipning may signboard na Quiapo-Pier ang nakita niya. Pinara niya.

Nang makasakay na siya, naisip na naman niya ang tungkol sa babaing nangu­ngupahan sa silong.

Hindi niya alam kung bakit interesado siyang ma­laman ang buhay ng babae. Nagiging tsismoso na ba siya?

Napangiti si Dado. Siguro’y dahil sa naghahanap lang siya nang mapagbabalingan ng pansin dahil paulit-ulit na lang ang mga gina­gawa niya sa araw-araw.

At ngayong may na­kita na siyang lalaking lumabas sa kuwarto sa silong, parang lalong nadagdagan ang kanyang kuryusidad na su­baybayan ang buhay ng babaing nangungupahan.

Ano nga kaya ng babae – ni Gab – ang lalaking lumabas sa ka­nina? Asawa kaya?

(Itutuloy)

SILONG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with