Ahas sa Garden (336)
INIHANDA ni Brenda ang kanyang baril nang makarinig ng mga yabag. Basta may makita siyang tao, puputukan niya! Hindi na siya mag-iisip pa. Kailangang maunahan niya kaysa siya ang maunahan. Kahit hindi siya sanay bumaril, siguro naman ay tatama rin siya. Ayon sa kanyang nabasa, basta itinutok ang baril, iputok ito nang iputok sa direksiyon ng kalaban. Wala nang asi-asinta. Ang asinta ay sa shooting range lamang ginagawa at hindi sa aktuwal na laban. Siguro naman bago siya mapatay ng mga humahabol sa kanya, nakatama rin siya.
Nawala ang mga yabag na narinig ni Brenda. Baka naman nagkamali lang siya sa narinig. Baka humihip lamang ang hangin at may tinamaang bagay na bumagsak.
Pero nakiramdam pa rin siya. Baka bigla na lamang may sumulpot sa harapan niya.
Hindi siya lumilikha ng ingay. Maski ang paghinga ay pinigil niya. Mahigpit ang hawak niya sa baril. Ang baril na ito ang ginamit niya kay Jambo. Ibinigay ito sa kanya ni George. Hindi na sinabi kung saan ito nanggaling. Saka bigla niyang naisip si George. Kawawa naman. Nadale agad ng mga pulis. Kung tutuusin, mas mabuti pa si George kaysa kay Jambo. Hindi siya iniwan ni George. Handa siyang tulungan. Kawawa naman at maikli lamang ang kanilang pagsasama.
Saka bigla rin niyang naisip si Alexis. Bakit hindi man lang siya pinansin ni Alexis nang tawagin niya kanina. Tiningnan lang siya nito. Hayop din pala ang Alexis na iyon. Kung mabubuhay pa siya pagkaraan nito, hahanapin niya si Alexis at papatayin din niya. Tatawagin din niya ang pangalan at saka niya babarilin, ha-ha-ha! Pagkatapos… pagkatapos… magbabaril siya sa sarili.
Biglang may pumasok na dalawang lalaki --- mga PDEA agents.
Pinaputukan ni Brenda. Sunud-sunod!
“Hindi n’yo ako mahuhuli! Um! Um! Um!’’
Walang puknat ang pagbaril ni Brenda sa direksiyon ng dalawang agents.
(Itutuloy)
- Latest