Sadiq (Simula)
NAKILALA niya si Sadiq sa Riyadh, 25 taon na ang nakararaan. Hindi pa uso noon ang cell phone at internet. Wala pa ‘yang Facebook, Twitter at kung anu-ano pang uri ng komunikasyon. Noon sa Riyadh ay ang pagtawag sa mga phone booth na huhulugan ng barya o halalah na matataranta ka sa bagsak at maya-maya ubos na ang 100 halalah o barya. Uso rin noon sa Saudi ang pagtawag sa mga illegal na linya na inuoperate ng mga malilikhaing Indiano at Pakistani. Maraming nag-ooperate ng illegal na “tawagan” sa mga gusali sa Batha.
Una niyang naging nakilala at naging kaibigan si Sadiq sa pinasukang kompanya. Marami silang Pinoy sa kompanyang iyon na ang trabaho ay pawang sa telecommunications. Pero siya at si Sadiq ay sa documentation section.
Mas nauna si Sadiq sa kanya ng limang buwan sa kompanyang iyon.
“Ako nga pala si Sadiq, ikaw kabayan anong name mo?’’
“JR. Jose Reynaldo, Kabayan.’’
“’Yung Sadiq mga kasamahan na lang dito ang nagbinyag. Ang totoo kong name ay Salustiano Diquino short ay Sadiq. Kakaiba ano?”’
“Oo nga. Di ba ang sadiq ay friend sa Arabic?’’
“Oo. Ba’t mo alam, JR?’’
“’Narinig ko na noon pa. May nabasa na rin akong dictionary na Arabic-English.’’
“A ganun ba?”
“Okey naman dito Sadiq?’’
“Oo okey dito. Hindi nali-late ang suweldo rito.’’
Kinabukasan, Biyernes, isinama agad ni Sadiq si JR sa Batha.
“Halika kakain tayo ng Kabsa,’’ yaya ni Sadiq.
Habang patungo sa restaurant, nagkukuwentuhan sila.
Nagulat si Sadiq nang malamang binata pa si JR.
“Binata ka pa?’’
“Oo.’’
“Bakit?’’
“Walang matipuhan.’’
Tiningnan siya nang makahulugan ni Sadiq.
(Itutuloy)
- Latest