Damo sa Pilapil (48)
HINDI pa nakuntento, sinundan pa ng tingin ni Zac si Mam Dulce nang lumabas ito patungo sa sasakyan na nasa harap ng bahay. Pinagmasdan ang pagsakay. Ang pagpapaandar ng sasakyan at ang pag-alis. Napahinga nang malalim si Zac nang mawala sa paningin si Mam.
Mawawala na naman ito ng ilang araw. Magiging busy na naman. Mapapagod uli. At pagbalik ay maaaring atakehin na naman ng migraine. Muli na namang dadaing na parang binibiyak ang ulo.
Napahinga uli si Zac.
Naaawa siya kay Mam at naidasal na sana naman pagbalik nito ay hindi magkasakit. Masyado siyang nag-aalala kapag maysakit si Mam. Paano kung may mangyari rito? Paano kung lumubha ang sakit? Apektado rin siya. Kaya nagdarasal siya na laging maayos ang kalusugan ni Mam. Wala sanang mangyari kay Mam habang nasa dinadaluhang conference.
“Zac!”
Nagulat si Zac sa tawag.
Si Manang Cion. Dumating na pala.
“Anong iniisip mo? Mukhang malalim ah!’’
“Wala po.’’
“Umalis na ba si Dulce?’’
“Opo. Kaaalis lang.’’
“Matagal na naman sigurong mawawala ano?’’
“Opo. Mga isang linggo po yata.”
“Baka pagbalik ay sasakit naman ang ulo nun.’’
“Oo nga po. Kawawa naman si Mama. Sana huwag naman siyang magkasakit. ’’
Napatingin nang makahulugan si Manang kay Zac.
(Itutuloy)
- Latest