'Yung trauma ko rito': Emo haircut ni Kris Bernal sa 'Starstruck' viral, laman ng memes

Kuha ng viral hairstyle ni Kris Bernal matapos gupitan para sa "Starstruck"
Mula sa Instagram page ng GMA Network

MANILA, Philippines — Napagtripan online ang dating emo/scene haircut ng aktres na si Kris Bernal, bagay na napagpaiyak-tawa na lang sa 2006 "StarStruck" alumna habang nagre-reminisce.

Lunes kasi nang i-share ng GMA Network ang video ng maluha-luhang aktres matapos bigyan ng makeover para sa naturang Kapuso reality talent competition habang contestant pa lang.

"'Yung sabi mo trim lang pero pala desisyon (ng) stylist mo," caption ng GMA sa kanilang Instagram post.

View this post on Instagram

A post shared by gmanetwork (@gmanetwork)

Makikitang mapaiksi nang husto, mas mahaba ang isang bahagi ng bangs at hindi pantay ang layering ng kanyang buhok sa naturang footage — bagay na usong-uso sa kabataang rakista noong panahong 'yon.

Naging laman tuloy ng memes ang noo'y 17-anyos na si Kris dahil sa reaksyon matapos bawasan nang matindi ang dating mahabang buhok.

"'Yung trauma ko dito... Chareeeet," patawang sabi ni Kris sa kanyang IG story noong Lunes.

'Uso iyan noon!'

Dumepensa naman ang hairstylist ni Kris sa naturang video at idiniing uso ito noong panahong 'yon.

"Haha grabe kayo sa akin that time uso 'yan at utos 'yan ng GMA sa akin cut it short. 'Di naman po talga ako gugupit n'yan pero sabi go!" wika ni Richard Perello sa comments section ng GMA News.

"[P]ero dami [ako] naging client after ko macut hair nya, dami gusto pagaya 2005 I think pa 'yan."

Matatandaang si Kris ang umuwing grand winner ng "StarStruck" sa ikaapat na season nito at nakilala bilang katambal ng aktor na si Aljur Abrenica.

Ngayong Agosto lang ipanganak ng aktres ang kanyang panganay na siyang ipinangalan sa NBA star na si Luka Doncic.

Show comments