'Malalim dahilan ko': Jaime Fabregas binura Shopee account kasunod ng layoffs ng kumpanya
MANILA, Philippines — Dinelete na ng beteranong aktor na si Jaime Fabregas ang account niya sa isang tanyag na e-commerce platform, ito habang humaharap ang nabanggit sa malaking kontrobersiya.
Sinabi niya ito matapos sisantehin sa trabaho ng Shopee Philippines ang ilan nilang empleyado, kahit may budget ang kumpanya para kumuha ng bagong celebrity brand ambassador sa katauhan ni Toni Gonzaga.
"I have deleted my Shopee account," wika ng aktor sa kanyang opisyal na Twitter account, Miyerkules ng gabi.
"Matagal ko nang gustong gawin dahil sa gastos pero ngayon nagkaroon ng mas malalim na dahilan."
I have deleted my Shopee account. Matagal ko nang gustong gawin dahil sa gastos pero ngayon nagkaroon ng más malalim na dahilan.
— Jaime Fábregas (@fabre_jaime) September 28, 2022
Kasalukuyang no. 2 trending sa Twitter Philippines ang Shopee habang sinusulat ang balitang ito gayong no. 1 trending naman ang regional competitor nito na Lazada.
Matatandaang kinumpirma ng Shopee Philippines sa Inquirer ang plano nilang pagbabawas ng mga empleyado na katumbas ng "single-digit percentage."
"These changes are part of our ongoing efforts to optimize operating efficiency with the goal of achieving self sufficiency across our business," ayon sa Shopee sa naturang panayam dahil daw sa mga kasalukuyang "macroeconomic uncertaintees."
"We are extending support to our affected colleagues during this transition."
Aniya, "prudent and sensible" lang ang mga nangyayaring tanggalan.
Setyembre lang din ngayong 2022 nang ibalitang sinisante ng Shopee Indonesia ang 3% ng kanilang mga empleyado sa naturang bansa.
Toni Gonzaga bilang brand ambassador
Ngayong Huwebes ng hapon lang nang ipakilala ng Shopee Philippines si Toni bilang panibagong brand ambassador, kasabay ng panawagan ng ilang netizens online na iboykot ang kumpanya.
Gayunpaman, tila hindi natitinag ang aktres sa kabila ng pagbuhos ng opinyong publiko sa pagkuha sa kanya sa kabila ng pagkawala ng trabaho nang marami.
"Since yesterday we are trending, today we are grateful for our netizens for the mentions and engagements," sabi ng TV host-actress.
"They are the reasons why we are here today."
Kahapon lang nang ianunsyo ng Shopee na magkakaroon ng big reveal patungkol sa panibago nilang ambassador.
Kapansin-pansing inulan ng "angry reactions" ang naturang video na uploaded online.
Nag-trend din online kamakailan ang mga salitang #BoycottShopee at #ByeShopee matapos kumalat ang nasabing teaser. — may mga ulat mula sa The STAR/Charmie Joy Pagulong
- Latest