Kelot na pasaway sa barangay, pinatay
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mamatay ang isang lalaking nasasangkot sa mga reklamong pamboboso, pagtutulak ng iligal na droga at pagnanakaw ng mga sasabunging manok sa Sitio Manigas, Barangay Lutucan Bata, Sariaya, Quezon, kamakalawa ng umaga.
Batay sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) PCol. Romulo Albacea,kinilala ang napaslang na si alyas “Jonathan”, 47, binata at residente sa naturang lugar.
Ayon sa Sariaya-PNP, ang biktima ay sangkot sa mga reklamong isinampa sa barangay, subalit walang naglakas loob na ito ay kasuhan.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-6: 30 ng umaga habang ang biktima ay sakay ng isang TMX motorcycle patungo sa bukid nang harangin ng hindi nakilalang suspek saka pinaulanan ng punglo sa ulo at iba’t-ibang parte ng katawan na agad nitong ikinamatay.
Inatasan na ni Col. Albacea ang mga police operatives sa Sariaya, Quezon na tugisin ang suspek at panagutin sa ginawa nitong krimen.
- Latest



















