Lider ng BIFF, 10 tauhan utas sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Patay ang 11 kasapi Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kabilang ang kanilang lider na wanted sa 47 na kasong pambobomba, extortion, multiple murder at arson sa iba’t ibang mga korte matapos ang madugong engkuwentro sa isang liblib na lugar sa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Kinilala ni Army Brig. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 1st Brigade Combat Team (BCT) ang nasawing lider na si Mohiden Animbang alias “Kagui Karialan”, ng BIFF-Karialan faction, isang lokal na version ng Islamic State of Iraq and Syria.
Napatay rin sa bakbakan ng magkasanib na Army Scout Rangers at mga tropa ng 1st Brigade Combat Team, laban sa mga teroristang BIFF ang kapatid ni Karialan na si Saga Animbang, operations chief ng BIFF-Karialan faction at kilalang bihasa sa paggawa ng improvised explosive devices, isang “signature weapon” ng naturang grupo.
Sa ginawang cadaver count ng militar, maliban sa magkapatid na Animbang, 9 pang tauhan na inaalam ang pagkakakilanlan ang napatay sa mas pinalakas at pinaigting na operasyon ng tropa ng mga sundalo.
Sinabi ni Cagara na nasamsam sa encounter site ang 12 na armas na kinabibilangan ng limang M16A1, tatlong M14, dalawang M653, isang M4 at isa pang mataas na kalibre ng baril.
Inihayag ni Cagara, bandang na alas-7:30 ng umaga nang magsimula ang bakbakan sa pagitan ng nasa 15 BIFF-Karialan faction at ng operating troops ng 1st Scout Ranger Company (SRC)-1st Scout Ranger Battalion (SRB) at Scout Platoon ng CAT 92 at 99 sa Sitio Pendililang ng nabanggit na Barangay hanggang sa tuluyang malipol ang mga kalaban gamit ang makabagong kagamitang pandigma ng militar.
Sa maghiwalay na pahayag ni Cagara, at, si Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army at Joint Task Force Central, mismong mga residente at barangay officials sa Datu Saudi Ampatuan, ang nagsuplong ng presensya ng grupo ni Karialan sa isang liblib na lugar sa Brgy. Kitango na agad nilang nirespondehan kaya naganap ang madugong palitan ng putok nang magpanagpo sa lugar.
Ang grupo ni Karialan ay sinasabing may koneksyon din sa teroristang grupong Dawlah Islamiya, na siyang tinuturong isa sa mga responsable sa mga serye ng pambobomba mula 2014 ng mga sasakyang pampubliko na ayaw magbigay ng “protection money” ang mga may-ari, at kilala rin sa pagkanlong ng nagbebenta ng shabu at marijuana kapalit ng pera.
Magugunita na noong Marso 22, 2024 ay napatay rin militar sa engkuwentro si Abu Halil, training officer ng BIFF-Karialan faction at kapatid ni Khadafi Abdulatif, chief of staff ng BIFF-KF.
- Latest