Vape refill may marijuana samsam, 3 timbog
COTABATO CITY, Philippines — Nakumpiska ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-12 ang 51 refill cartridges ng vape na may marijuana oil sa tatlong dealers nito na na-entrap sa Barangay Apopong, General Santos City nitong hapon ng Huwebes.
Sa ulat nitong Biyernes ng umaga ni Aileen Lovitos, director ng PDEA-12, hindi na pumalag pa sina Juanito Vollodres Cuevas II, Leigh Cabalaran de Leon at Cris Jay Lado Andolana nang arestuhin matapos umanong magbenta sa kanilang mga agents ng P178,500 na halaga ng mga illegal na vape catridges sa isang buy-bust operation sa Purok Maunlad sa Barangay Apopong.
Magkatuwang na ikinasa ng PDEA-12 at ng mga units ng Police Regional Office-12 ang buy-bust matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagbebenta ng tatlong suspek ng mga imported na vape refill cartridges na may marijuana oil sa halagang P3,500 ang bawat isa.
Inaalam na ng mga PDEA agents at mga opisyal ng PRO-12 na sakop ni regional police director Brig. Gen. Augustus Placer kung sino pa ang mga kasabwat nina Cuevas, De Leon at Andolana sa pagpapakalat ng kanilang illegal na epektos sa General Santos City at sa mga bayan ng South Cotabato at Sarangani.
- Latest