Sabungero ‘di namigay ng balato, pinatay
MANILA, Philippines — Patay ang isang sabungero sa kapwa nito sabungero matapos na tumangging magbigay ng balato ang huli sa pagkapanalo nito sa sabong sa cockpit arena ng Brgy. San Juan, Taytay, Rizal kahapon ng madaling araw.
Hindi na naisalba pa ang buhay ng biktima na nagtamo ng malalim na saksak sa kaliwang bahagi ng katawan na kinilalang si Ricky Del Rosario, nasa hustong gulang , manlalaro ng sabong.
Tumakas naman ang suspek na nakilala sa alias Mando na isang ring sugapa sa sabong.
Sa imbestigasyon ng Taytay Police, alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente kung saan kakalabas lang ng biktima sa Taytay Cockpit Arena at nanalo sa laban ng kanyang manok na panabong.
Agad umanong nilapitan ng suspek ang biktima para humirit ng balato gayunman ay tumanggi ang huli na naging dahilan ng kanilang pagtatalo. Dahil sa pagkapahiya, nairita ang suspek at agad inundayan ng saksak ang biktima na duguang humandusay.
Mabilis na tumakbo ang suspek habang naitakbo pa sa Rizal Medical Center ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival.
- Latest