P12.3 milyong droga samsam sa Isabela, 6 arestado
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Umabot sa P12.3 milyon na halaga ng droga ang nasabat ng mga awtoridad na nagresulta sa pagka-aresto sa anim na mga suspek sa magkahiwalay na lugar ng lalawigang ito kamakalawa.
Ayon kay P/Maj. Sharon Malinlin, tagapagsalita ng Police Regional Office 02, unang isinagawa ang isang drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Group Region 2 at PNP Quezon sa Purok 1, Brgy. Abut sa bayan ng Quezon na nagresulta sa pagkarekober ng aabot sa 100 kilo na pinatuyong dahon ng marijuana dakong alas-10:00 ng umaga.
Nakilala ang mga naarestong suspek na sina Ericson Wacnang, 25, residente ng Lacnog Centro 2, Tabuk City, Kalinga; Jesrael Maggongoy, 18, residente ng Brgy. Agbannawag, Tabuk City, Kalinga; Troy Balloc, 32, at August Malnag, 28; kapwa residente ng Butbut, Tinglayan, Kalinga.
Nakuha rin sa mga suspek ang isang caliber 9mm, mga bala at boodle money.
Samantala, umabot sa P300,000 na halaga ng marijuana ang nasamsam din sa dalawang high value individual (HVI) na sina alyas “Ampoy” at “Pepe” sa buy-bust operation sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Nakumpiska ang limang puting supot at isang asul na papel na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana.
- Latest