43,000 manok tigok sa heat stroke!
MANILA, Philippines — Aabot sa 43,000 manok ang namatay dahil sa heat stroke sa isang poultry farm sa Brgy. Maravilla, Nagcarlan, Laguna matapos na aksidenteng mawalan ng kuryente noong Martes.
Nabatid na alas-11 ng tanghali ng Martes nang mawalan ng kuryente na tumagal ng mahigit isang oras na hindi napagana ang naka-install na generator kaya isa-isang nasawi ang mga manok dahil sa sobrang init. Lumalabas na airconditioned ang nasabing poultry.
Napag-alamang P6 milyon ang nalugi sa may-ari dahil sa nangyaring pagkamatay ng mga alagang manok.
Ayon kay Maravilla Bgy. Chairwoman Minda Ido, para mapakinabangan pa ang mga manok ay napagdesisyunan ng may-ari na ipamigay ang mga ito sa mga residente.
Siniguro naman ng barangay na hindi peste o anumang sakit ang ikinamatay ng mga manok.
Sinabi naman ni Nagcarlan Municipal Agriculturist Abeth Lucas na ligtas kainin ang mga manok dahil hindi ito namatay ng anumang sakit.
- Latest