Drug den ni-raid: 5 nalambat
PAMPANGA , Philippines — Limang drug suspect ang nadakip matapos ang ginawang anti-illegal drug operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-3 sa isa umanong drug den at nasamsam ang nasa P.1 milyong halaga ng shabu sa Hadrian 3 Extension, Brgy. Balibago noong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni PDEA Region 3 Director Gil Pabilona, kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Demetrio Docena alias “Jay R”, 34; Tony Luto, 29; Larry Platones, 23; Danilo Largo, 37, at Vicente Aquino, 26, pawang residente sa nasabing barangay.
Sa ulat, dakong alas-8:35 ng gabi nang isagawa ang operasyon matapos na magpanggap na poseur buyer ang isang ahente ng PDEA at nakipagtransaksyon kay Docena sa labas ng drug den.
Nang magkaabutan ng droga at buy-bust money, agad na dinakma si Docena habang naaktuhan ang ibang kasamahan nito sa loob ng nasabing drug den na umano’y nagpa-pot session.
Nasamsam sa mga suspek ang 9 na plastic sachet ng shabu na nasa 20 gramo at may street value na P136,000, mga drug paraphernalia at marked money na ginamit sa operasyon.
- Latest