Dengue outbreak sa isla: 1 patay, 22 nakaratay
MANILA, Philippines — Isang bata ang nasawi habang 22 pang katao ang inoobserbahan sa pagamutan matapos na tamaan ng nakamamatay na sakit na dengue na nakukuha sa kagat ng lamok na epidemya na sa Itbayat Island sa Batanes.
Ayon kay Lt. Col. Isagani Nato, spokesman ng AFP Northern Luzon Command (AFP-Nolcom) agad na nagpadala ang kanilang himpilan ng air transportation assistance sa pamamagitan ng C295 airplane ng Philippine Air Force (PAF) para maihatid sa pagamutan ang mga maysakit na dengue.
“We provided assistance on Air Medical Evacuation (MEDEVAC) to several dengue patients in the northernmost and isolated province of Batanes,” anang opisyal.
Nabatid na isa sa tatlong batang nasa kritikal na kondisyon ang tuluyang binawian ng buhay kamakalawa matapos na bumagsak ang platelet count ng dugo nito.?
Bago ito, nakatanggap ng liham ng paghingi ng saklolo si AFP Nolcom Command Chief Lt. Gen. Emmanuel Salamat mula kay Batanes Gov. Marilou Cayco kaugnay sa nasabing mga pasyente.
“Accordingly, Batanes, particularly the island of Itbayat, is going through an epidemic due to dengue outbreak that could claim the lives of many people,” anang opisyal.
Sa tala, ang Itbayat ang may pinakamaraming kaso ng dengue sa lalawigan kung saan nagsimula ang epidemya nitong Hulyo 4 ng taong ito na mabilis na kumalat.
Nabatid na may iisang maliit na ospital lamang sa Itbayat at walang kapabilidad para gamutin ang mga pasyenteng may dengue virus kung saan tanging bangka lamang ang ginagamit nilang transportasyon patungong Basco, ang kapitolyo ng lalawigan pero dahil sa masamang lagay ng panahon ay hindi sila makapaglayag bunga ng malalaking alon.
Nagpadala na ng dalawang doktor sa isla mula Basco para tulungan ang mga pasyente na lumalala ang sakit na dengue.
- Latest