Kaibigan (6)
‘‘E bakit kailangan n’yo pang lumuwas dito sa Maynila e di mas maganda kung sa Laguna kayo magsimula,’’ sabi ni Dex.
‘‘Mahabang kuwento, Dex. Baka hindi matapos kung ngayon ko ikukuwento sa iyo. Basta mahaba at masalimuot.’’
‘‘Pero hindi naman halata sa iyo na mayroon kang pinagdadaanan.’ Mukha ka pa ring bata at guwapo.’’
‘‘Mahusay lang akong magdala, Dex.’’
‘‘Sana ay makahanap ka ng trabaho.’’
‘‘Sana nga. Ayaw kong makabigat sa’yo.’’
‘‘Naku sabi ko naman sa’yo wala kang alalahanin sa akin. Kahit kailan n’yo gustong tumira sa bahay ko, walang problema. Basta hindi ko malilimutan ang mga naging kabutihan mo sa akin nung nasa kolehiyo tayo. At ngayon ang panahon ng pagbabayad.’’
‘‘Salamat Dex.’’
‘‘Parang kapatid na ang turing ko sa’yo. Noon, hindi lamang sapatos ang pinahihiram mo sa akin, pati pera at hindi mo na pinababayaran. Talagang nagagalit ka kapag sinasabi kong babayaran sa’yo.’’
‘‘Mayaman pa kasi kami nun, ha-ha-ha!’’
‘‘Kita nga sa porma mo nun na marami kang atik.’’
‘‘Ngayon mahirap pa kami sa daga. At alam mo, Dex, kapag pala ang isang mayaman ay biglang naghirap, nawawala na ang mga kaibigan. Ikaw na lang ang natira sa mga kaibigan ko.’’
‘‘Ganun ba?’’
‘‘Oo. Nawalang parang bula ang mga kaibigan na noon ay halos sambahin ako dahil sa pera.’’
Napangiti si Dex.
Naghiwalay na sila nang sumapit sa sakayan.
Kinabukasan, kinumusta ni Dex ang paghahanap ni King ng trabaho.
‘‘Walang nangyari. Wala raw bakante. Bumalik na lang daw uli ako.’’
‘‘Susubukan ko kung maipasok kita sa kompanya namin. Pero huwag ka munang umasa ha. Ita-try ko pa.’’
‘‘Sige Dex. Pero aalis uli ako ngayon para maghanap.’’
‘‘Sige. Tiyaga-tiyaga lang.’’ (Itutuloy)
- Latest