Suzara ayaw pakawalan si De Brito
MANILA, Philippines – Ang 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women ang huling torneo ni Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito para sa Alas Pilipinas.
Ngunit aapela si Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara sa FIVB, ang international volleyball federation, na panatilihin si De Brito sa kanyang posisyon.
“We’ll be appealing that he remains head coach of our women’s national team program,” wika ni Suzara kahapon isang araw matapos talunin ng Alas Pilipinas ang Chinese-Taipei, 25-13, 25-21, 25-18, sa Pool A papasok sa crossover semifinals ng AVC Challenge Cup.
Ito ang unang pagkakataon na umabante ang isang Philippine team sa semis ng AVC tournament matapos ang 63 taon.
“Coach Jorge coached the country to a first-ever semifinals stint in any AVC or Asian level competition, that’s historic for Philippine volleyball,” ani Suzara. “And because of that, there’s no reason that we’ll let him go.”
Dumating ang Brazilian mentor sa bansa noong 2021 sa ilalim ng FIVB national team development program na sinunggaban ni Suzara.
Matapos gabayan ang mga Pinay spikers ay ililipat ng FIVB ang 57-anyos na si De Brito sa Chinese-Taipei national team.
Isang Italian coach naman ang ipapahiram ng FIVB sa Pilipinas.
Iginiya ni De Brito ang Brazil squad sa pagkopo sa men’s gold medal noong 1992 Olympic Games sa Barcelona, Spain.
Sa ilalim ni De Brito ay umangat ang Pilipinas sa No. 57 mula sa No. 62 sa pinakabagong FIVB women’s world ranking at tumaas sa No. 9 sa Asia.
“We’ve always trusted Coach Jorge and Alas Pilipinas’s historic accomplishment in this AVC Challenge Cup is testament to his world-class skills as coach,” sabi ni Suzara.
- Latest