Ladon sibak na sa Olympic qualifiers
MANILA, Philippines — Nalagasan ang national boxing team sa 2nd World Olympic Qualifying Tournament sa Bangkok, Thailand.
Ito ay matapos maagang mamaalam sa kontensiyon si Rio Olympics veteran Rogen Ladon sa men’s 51-kg.
Lumasap si Ladon ng 1-4 kabiguan sa kamay ni Rafael Lozano Jr. ng Spain sa first round ng kanyang dibisyon.
Kaya naman maiiwan ang pasanin sa tatlo pang Pinoy pugs na nag-aasam na makasungkit ng tiket sa Paris Olympics na idaraos sa Hulyo sa France.
Buhay pa ang pag-asa nina Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam, Criztian Pitt Laurente at Hergie Bacyadan.
Nakatakdang sagupain ni Laurente si Mukhammedsabyr Bazarbay Uulu ng Kazakhstan sa men’s 63.5kg round of 32 Linggo ng gabi.
Aariba naman si Bacyadan ngayong araw kontra kay Dunia Martinze ng Spain sa women’s 75kg division round of 16.
Sunod na makakasagupa ni Paalam si Shukur Ovezov ng Turkmenistan bukas (Martes).
Nais ni Paalam, Laurente at Bacyadan na makasama sa Paris Olympics sina Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas na nakahirit ng tiket sa Paris Games.
- Latest