La Salle sasagupa sa Ateneo; NU pakay ang ikatlong sunod
MANILA, Philippines — Tiyak na ang dagsaan ng mga volleyball fans sa Mall of Asia Arena sa Pasay City para panoorin ang paghaharap ng magkaribal na De La Salle University at Ateneo sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament.
Magsisimula ang paluan ng nagdedepensang La Salle at Ateneo ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng National University Lady Bulldogs at University of the Philippines Lady Maroons.
Yumuko ang Lady Spikers sa University of Santo Tomas Golden Tigeresses, 18-25, 23-25, 25-14, 25-16, 12-15, sa huli nilang laro.
Ito ang una nilang kabiguan sa tatlong laro.
Ipininta naman ng Lady Eagles ang unang panalo matapos ang dalawang sunod na sadsad kaya may 1-2 karta sila ngayon.
Parehong galing sa makapigil hiningang laro ang La Salle at Ateneo kung saan ay nasagad sa limang sets ang kanilang mga laban kontra sa UST at UP, ayon sa pagkakasunod.
Muling kakapitan ng Lady Spikers sa opensa sina Angel Canino at Thea Allison Gagate na nagtala ng 28 at 11 markers, ayon sa pagkakasalansan.
Ibabangga naman ng Lady Eagles sina Lyann De Guzman at Sophia Beatriz Buena upang ilipad ang pangalawang sunod na panalo at mapalapit sa tuktok ng team standings.
Samantala, pakay naman ng Lady Bulldogs na lapain ang three-game winning streak laban sa wala pang panalong Lady Maroons.
- Latest