Nambatac pinagmulta ng E-Painters
MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang napatawan ng parusa matapos pagmultahin ng Rain or Shine si guard Rey Nambatac dahil sa paglalaro nito sa ligang labas sa Davao.
Ang nasabing multa ay katumbas ng dalawang araw na suweldo ni Nambatac.
Nadiskubre ng pamunuan ng Elasto Painters ang paglalaro ni Nambatac nang magpadala ng larawan ang isang netizen kaugnay sa paglalaro nito sa isang exhibition game sa Davao.
Si assistant team manager Jireh Ibanes ang nakatanggap ng larawan noong Martes.
“May nagpadala ng picture ni Rey (Nambatac) kay Jireh (Ibanes) then nireport sa akin ni Jireh kaya ipinatawag sa opisina si Nambatac,” sabi ni ROS team governor Atty. Mamerto Mondragon.
Nagtungo si Nambatac sa opisina ni Mondragon at inamin ang nagawa niyang pagkakamali.
“Inamin naman niya. Ini-report ko na rin sa PBA pero nauna na iyong action namin sa team. Ang lalaki ng mga sweldo nila at di naman din kami nagkulang sa paalala,” dagdag pa ni Mondragon.
Si Nambatac ang ikalawang player ng Elasto Painters na natuklasang naglaro sa ligang labas matapos si slotman Beau Belga.
Pinatawan si Belga ng 15-day suspension without pay dahil sa paglalaro nito sa ligang labas sa Cebu.
Ipinatawag din ng PBA sina Belga at Nambatac para magpaliwanag kay Commissioner Willie Marcial.
- Latest