Pacquiao pinag-iingat ni Roach kay Ugas
MANILA, Philippines — May paalala si Hall of Famer Freddie Roach para kay eight-diivision world champion Manny Pacquiao para sa laban nito kay World Boxing Association (WBA) welterweight champion Yordenis Ugas.
Binalaan ni Roach si Pacquiao na mag-ingat sa bawat suntok na pakakawalan ni Ugas kabilang na ang righ hand shot upang makaiwas sa anumang disgrasya na posibleng tamuhin nito.
Ito ang resulta ng matinding pag-aaral ni Roach sa mga nakalipas na laban ni Ugas kung saan natuklasan nito ang “strength” ng Cuban pug.
At isa na rito ang “big punch” na pinakakawalan nito sa kanyang mga kalaban.
Ayaw ni Roach na maulit ang nangyari noong 2012 nang matiyempuhan ni Mexican fighter Juan Manuel Marquez si Pacquiao dahilan para matalo ang Pinoy pug via knockout.
“He (Ugas) always goes for the home run. He’s a big puncher and has a big right overhand right,” ani Roach.
Dahil dito, gumawa na ng game plan si Roach para ma-counter ni Pacquiao ang anumang bombang pasasabugin ni Ugas sa kanilang laban sa Linggo (oras sa Maynila) sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
May bentahe si Ugas dahil mas matangkad ito (5-foot-9) kumpara kay Pacquiao na mayroon lamang taas na 5-foot-6.
Subalit sanay na si Pacquiao sa matatangkad na kalaban kaya’t hindi ito nakikitang problema.
May hawak lamang na 26 panalo tampok ang 12 knockouts si Ugas — hindi ganun ka-impresibo — subalit ayaw ni Roach na magpakampante si Pacquiao.
- Latest