Magramo kakasa sa Japanese pug sa WBO title
MANILA, Philippines — Kung dati, Philippines-Mexico ang bakbakan sa ibabaw ng ring, ngayon namumuo ang Philippines-Japan rivalry.
Sumama na sa humahabang listahan ng Philippine-Japan fight ang laban kina Pinoy fighter Giemel Magramo at Japanese pug Junto Nakatani na naikasa na at idaraos sa Abril 4 sa Tokyo, Japan.
Pag-aagawan nina Magramo at Nakatani ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) flyweight crown na iniwan ni Japanese Kosei Tanaka na nagdesisyong umakyat sa super flyweight division laban sa kababayang si Kazuto Ioka.
Ito ang ikalawang Philippines-Japan fight sa Abril dahil magtutuos din sina WBO bantamweight champion John Riel Casimero at International Boxing Federation at World Boxing Association bantamweight titlist Naoya Inoue sa Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Una nang nagtuos sina Inoue at Filipino-American Nonito “The Filipino Flash” Donaire noong Nobyembre 7 sa bantamweight finals ng World Boxing Super Series na ginanap sa Saitama, Japan kung saan nanaig ang Japanese pug.
Kaya naman desidido ang mga Pinoy fighters na makabawi sa pagkakataong ito upang maiwagayway ang bandila ng Pilipinas.
Umaangat na ang Japan sa mundo ng boksing.
Kasalukuyan itong may limang world titlist kumpara sa apat lamang ng Pilipinas.
Kampeon ng Japan sina Kenshiro Teraji (WBC light flyweight), Hiroto Kyoguchi (WBA light flyweight), Kazuto Ioka (WBO super flyweight), Ryota Murata (WBA middleweight regular champion), at Inoue (WBA, IBF bantamweight).
Anim sana ito kung hindi binitiwan ni Tanaka ang WBO flyweight title.
Sa kabilang banda, ang apat na world champions ng Pilipinas ay sina eight-division world titlist Manny Pacquiao (WBA welterweight super champion), Pedro Taduran (IBF minimumweight), Jerwin Ancajas (IBF super flyweight) at Casimero (WBO bantamweight).
- Latest