Anak ng balut vendor, 4 na tankers nagpasiklab agad
Batang Pinoy Nat’l finals
BAGUIO CITY , Philippines — Isang anak ng balut vendor ang umangkin sa unang gintong medalya na inilatag habang apat na tankers ang nagtampisaw ng tig-dalawang gold medal sa swimming event sa pagsisimula ng 2018 Batang Pinoy National Finals kahapon dito.
Naghagis si Mary Grace Joson ng Camarines Sur ng 26.87 metro para pitasin ang gold medal sa secondary girls’ discus throw kasunod sina Janine Medina (26.64m) ng Zambales at Althea Guadalupe (26.54m) ng General Santos City sa Baguio Athletic Bowl.
Nakatakdang tumanggap ang 15-anyos na si Joson, ang ina ay isang balut vendor at ang ama ay isang OFW sa Dubai, ng cash incentive na P3,000 mula kay Camarines Sur Gov. Miguel Villafuerte.
“First time ko po ito sa Batang Pinoy National Finals,” sabi ng Grade 10 student ng CamSur Sports Academy na kumuha ng ginto sa shot put at javelin throw sa Luzon Leg ng Batang Pinoy.
Sa Baguio Swimming Pool, umiskor naman ng tig-dalawang ginto sina Roz Ciaralene Encarnacion ng Laguna Province, Althea Michel Baluyot ng Quezon City, Markus Johannes De Kam at Mervien Jules Mirandilla ng Lucena City.
Nanguna si Encarnacion sa girls’ 12-under 200m IM (2:40.97) at 50m breaststroke (37.33) habang bumandera si Baluyot sa girls’ 13-15 100m freestyle (1:01.16) at 100m butterfly (1:06.98), si De Kam sa boy’s 12-under 100m freestyle (59.11) at 50m backstroke (32.27) at namuno si Mirandilla sa boys’ 13-15 100m freestyle (58.38) at 100m butterfly (59.92). (RC)
- Latest