Tams susuwagin ang bonus vs Bulldogs
Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. Ateneo vs UE
4 p.m. NU vs FEU
MANILA, Philippines – Mahahalagang panalo ang hanap ng mga koponang magtatagisan sa 78th UAAP men’s basketball ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Sisikapin ng FEU Tamaraws na makaiwas sa anumang komplikasyon sa tangkang pagsubi sa mahalagang twice-to-beat advantage laban sa National University Bulldogs na magsisimula matapos ang bakbakan ng Ateneo Eagles at humihinga pang UE Warriors sa alas-2 ng hapon.
Tanging ang UST Tigers pa lamang ang nakakuha sa unang twice-to-beat advantage sa Final Four at naiwan ang Tamaraws (10-2) at Eagles (9-4) na naghahabol sa mahalagang insentibo.
Mas maganda ang tsansa ng tropa ni coach Nash Racela dahil may isang laro pa silang haharapin matapos ito habang ang Eagles ay nalalagay sa must-win para makahirit ng playoff kung hindi palarin ang Tamaraws sa kanilang mga asignatura.
Papasok ang FEU sa laro mula sa 76-85 pagkatalo sa UST sa huling laban para maputol ang siyam na sunod na panalo ng koponan.
Dapat na bumalik agad ang kumpiyansa ng koponan dahil nangangailangan din ang nagdedepensang kampeon NU ng panalo para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa Final Four.
May 6-7 karta ang NU katulad ng La Salle Archers at ang resulta ng huling laro ng dalawang koponan ang magdedetermina kung may magaganap bang playoff para sa ikaapat na puwesto sa semifinals.
Limang sunod na panalo ang bitbit ng Eagles, ang huli ay naitala laban sa karibal na Archers, 73-62.
Tinalo rin nila ang UE sa unang pagkikita, 77-72, pero dapat magpatuloy ang magandang intensidad ng Eagles dahil sa 4-8 karta ng Warriors ay puwede pa silang makaplayoff kung maipanalo ang nalalabing dalawang laro at matalo sa huling asignatura ang NU at La Salle.
- Latest