Mga pagkilos kontra dengue
Nagdeklara kamakailan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng dengue outbreak kasunod ng pagtaas ng bilang ng kaso ng nasabing sakit sa ating lungsod.
Ngunit nais ko lang ulitin na walang dapat ikabahala ang QCitizens sa deklarasyong ito dahil kontrolado namin ang sitwasyon. Ang layunin natin ay maging mas conscious ang mga tao sa banta ng dengue.
Pinakilos na natin ang lahat ng assets at resources ng lokal na pamahalaan at tiniyak na nakakasa ang mga programa at serbisyo para mapigil ang pagdami ng bilang ng kaso ng dengue.
Batay sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) ng Quezon City Health Department, halos kalahati ng naitalang kaso ay nasa isa hanggang 10 taong gulang ang edad. Nasa 58 porsiyento naman ng kaso ay nasa 5 hanggang 17 taong gulang.
Nitong Lunes lang, pinangunahan namin ni Health Secretary Ted Herbosa ang cleanup drive sa Barangay Batasan Hills kasabay ng paglulunsad ng “Alas-Kwatro Kontra Mosquito” campaign ng ating lungsod.
Nagbahay-bahay din kami ni Secretary Herbosa para hikayatin ang residente na ugaliin ang regular na paglilinis sa kapaligiran.
Dahil bata ang karamihan sa mga nagiging biktima ng nakamamatay na sakit na ito, nananawagan tayo sa mga kapwa ko magulang na sama-sama nating protektahan ang ating mga anak laban sa dengue.
Isa sa mga mahalagang pagkilos na dapat nating gawin ay maging alerto sa nararamdaman ng ating mga anak.
Kabilang sa mga sintomas na ating dapat bantayan ay ang pagkakaroon ng lagnat, sakit ng ulo, at pananakit ng kasu-kasuan.
Kapag ganito ang nararamdaman ng ating mga anak, huwag na kayong magdalawang-isip pa na dalhin sila sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar.
Dahil nakukuha ang dengue sa lamok, mahalaga na mapanatili nating malinis ang ating kapaligiran.
Maganda na pangunahan nating mga magulang ang paglilinis sa ating kapaligiran. Alisan ng tubig ang mga gamit na container, gulong, mga paso at iba pang bagay kung saan naiipon ang tubig, dahil ito’y ginagawang itlugan ng mga lamok na may dalang dengue.
Protektahan din natin ang ating mga anak sa pamamagitan ng paggamit ng mosquito repellant at pagsuotin sila ng damit na mahaba ang manggas at pantalon para makaiwas sa kagat ng lamok.
Inatasan na natin ang lahat ng 66 QC Health Centers na manatiling bukas kahit weekends mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon para masuri ang mga posibleng kaso ng dengue.
Naglagay rin tayo ng express lane sa lahat ng health centers at mga ospital ng siyudad para agad matignan ang mga residente nating may lagnat. Libre ang dengue test kits sa ating mga health center at ospital.
Tuluy-tuloy rin ang ginagawang spraying at fogging sa iba’t bang lugar sa ating lungsod para masugpo ang mga lamok na may dalang dengue.
Umaasa ako na tayong lahat ay makikiisa sa kampanya ng lungsod upang tuluyan na nating mabura ang dengue.
- Latest