China pagbayarin ng P216-B kada taon
NAGNGINGITNGIT sina Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz at Philippine Coast Guard Commo. Jay Tarriela sa natuklasan ng marine scientists. Mahigit 12,000 ektaryang bahura na ang winasak ng China sa West Philippine Sea, o 200-mile exclusive economic zone natin.
Pinakahuli ay nu’ng Nob. 2023. Pinulbos ang corals sa Rozul (Iroquois) Reef at Escoda (Sabina) Shoal. Malapit ang dalawa sa Ayungin (Second Thomas) Shoal ku’ng saan nakatanod ang ating Marines sa BRP Sierra Madre.
Pinapalibutan ng tatlong bahura ang Recto (Reed) Bank. Mayamang pangisdaan 100 nautical miles mula Palawan. May langis at gas sa Sampaguita Fields sa Recto na inaagaw ng Komunistang China.
Kasabay nilaspag ng Chinese maritime militia ang Sandy Cays 1, 2, 3 at 4 sa loob ng 12-nautical mile territoral waters ng Pagasa Island, Kalayaan, Palawan. Nasa dulo ito ng WPS. Mahigit 650 milya mula sariling EEZ ng China. Hanggang 200 milya ang EEZ ninumang bansa.
Nu’ng 2013-2020, batay sa satellite imaging, 1,850 ektarya pa lang ang wasak na bahura. Ito’y sa Kagitingan (Fiery Cross) at Zamora (Subi) Reefs sa gilid ng Pagasa; Panganiban (Mischief) Reef malapit sa Ayungin; at Panatag (Scarborough) Shoal sa Zambales.
Hindi kasama sa sukat na 12,000 ektarya ang ilalim, paliwanag ni Dela Cruz. Ang bahura ay binubuo ng corals, mga hayop na sessile (hindi gumagalaw), pero nag-uugat sa ilalim ng buhangin.
Dapat pagbayarin ang China. Ang yamang dulot ng isang ektaryang bahura ay $353,429, o P18 milyon kada taon. Ang kabuuang 12,000 ektarya ay P216 bilyon kada taon.
Nu’ng 2013-2020, pitong taon, P231.7 bilyon na ang damages ng China sa 1,850 ektarya pa lang. Isag marine ecosystem ang buong South China Sea. Pati China mismo ay mawawalan ng isda at iinit ang dagat.
- Latest