Gamutan sa asthma at neonatal sepsis, pinalawig ng PhilHealth!
Magandang balita muli ito mula sa PhilHealth. Pinalawak nito ang benefit package para sa neonatal sepsis at bronchial asthma. Nakapaloob ito sa 2 Circulars na may numerong 2024-0008 at 2024 0009. Layunin kasi ng PhilHealth na mapalawak ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa madla sa ilalim ng kampanya nitong “Pinalawak at Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Filipino.” Ang enhancement ng mga benepisyong ito ay kasunod ng pagpapalawak sa iba pang mga benefits sa breast cancer (na aabot hanggang P1.4 milyon), ischemic at hemorrhagic stroke, at ang coverage sa hemodialysis na umabot na ng hanggang 156 sesyon.
Ayon sa World Health Organization, isa ang neonatal sepsis sa nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga bagong silang na sanggol (3 sa 10 sanggol ang tinatamaan nito). Ang neonatal sepsis ay isang impeksiyon sa bloodstream ng mga newborn infants na wala pang 28 days old. Ito ay malaking banta sa kalusugan ng mga bagong silang at nakapagdudulot ng matinding pinansyal na pasanin sa mga pamilyang Filipino.
Kaya ang benepisyo ngayon sa neonatal sepsis ay ginawang P25,793, mula sa dating P11,700, at sumasaklaw sa gamutan ng pasyenteng na-confine sa basic o ward accommodation, gamot, at professional fee para masiguro ang tiyak na kalusugan ng mga sanggol.
Higit doble rin ang itinaas ng benepisyo para sa bronchial asthma. Mula P9,000 ay P22,488 na ang PhilHealth coverage sa mga pasyente. Tulad ng benefit package para sa neonatal sepsis, saklaw nito ang gamutan sa ward, bayad sa doktor, at mga gamot na kailangan ng pasyente.
Tulad ng neonatal sepsis, nananatiling isa ang bronchial asthma sa nagdudulot ng mataas na gastusing medikal sa mga Pilipino. Karamihan sa mga kababayan natin ay walang kakayanang tustusan ang gamutan para rito. Ngunit dahil sa pinagbuting benepisyo, maiiwasan na ang paglala ng kundisyong ito ng pamamaga ng airways na dinadaluyan ng hangin kapag tayo ay humihinga.
Paalala ng PhilHealth na kung pipiliin ng pasyenteng ma-confine sa private room, sagot na niya ang dagdag na bayad. Pasyente rin ang sasagot sa ibang gamot na rekomendado ng doktor na hindi nakasaad sa Philippine National Formulary o kaya mga serbisyong itinuturing na hindi kailangan sa paggamot ng neonatal sepsis at bronchial asthma.
Bilang gabay sa mga PhilHealth-accredited facilities na magpapasa ng claims, kailangang isumite nila ang blood culture results na nagpapakita ng presensya ng bacteria na nagdulot ng sepsis. Sa bronchial asthma naman, kailangang idetalye ng ospital sa kanilang isa-submit na Claim Form 4 ang buong medical history ng pasyente.
Ang mga pinabuting benepisyo ay magagamit para sa lahat ng confinements simula May 1, 2024.
- Latest