^

PSN Opinyon

Charina: Batang Tondo, bodybuilder sa Amerika

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang din sa mga matagumpay na Filipino Canadian si Charina Amunategui na nagmula sa Tondo, Manila dito sa Pilipinas, dumayo sa Canada, bago nanirahan sa United States. Isa siyang finance professional na meron nang dalawang dekadang karanasan sa pagbabanko sa U.S., Canada, United Kingdom at Bermuda.

Habang isinusulat ito, hinahawakan ni Charina ang posisyon bilang executive director ng Bank of Tokyo-Mitsubishi UFJ na isa sa pinakamalaking banko sa mundo. Nahirang din siya bilang tagapangulo ng 100 Women in Finance MidCareer Bridge NYC; recipient ng The 2023 Most Influential Filipina Woman in the World Award mula sa Foundation for Filipina Women’s Network; at 2024 Grand Marshal of the Philippine Independence Day Parade na gaganapin sa Hunyo 2, 2024 sa Madison Avenue, New York City.

Bukod dito, maalaga siya sa kanyang katawan. Madalas mag-ehersisyo sa gym at ang pagpapalakas ay nakakatulong hindi lang sa kanyang katawan at kaisipan kundi pati na rin sa kanyang pagtatrabaho at pag-aaral.  Lingid sa karamihan, isa siyang bodybuilder at lumalahok sa mga bodybuilding competition tulad ngayong buwang ito.

“Katuwaan lang,” patungkol niya sa pagsali sa mga kometisyon at pagiging bodybuilder na makikita sa kanyang larawang kasama ng kolum na ito. Sabi sa isang artikulo  ni Cristina DC Pastor sa FilAm website, meron siyang training coach, nasa gym siya  limang araw kada linggo sa nagdaang 10 taon. Binabantayan niya ang mga kinakain niya. Mahigpit niyang sinusubaybayan ang kanyang weightlifting routine, cardio, and blood sugar sa isang spreadsheet. Sinasalamin ng kanyang disiplina rito ang determinasyong mapabuti ang kanyang pangangatawan.  Naniniwala siyang, sa malusog na pangangatawan, “napapangibabawan ko ang stress sa eskuwelahan at trabaho,” sabi niya sa Ingles.

Inaasahang, nitong Mayo 2024, magtatapos siya ng pag-aaral ng MBA sa Yale University na merong specialization in Asset Management.

Ayon sa FilAm  website, isinilang at lumaki si Charina sa Maynila pero bata pa lang siya ay naranasan na niya ang mahihirap na realidad ng buhay.  Sanggol pa lang siya (walong buwang gulang) nang mamatay ang kanyang tatay. Pero nagbago ang buhay niya nang pakasalan ng kanyang ina si Pedro Visperas Jr. na itinuring niyang higit pa sa pagiging amain. “He is my real dad in every respect,” sabi niya.  Pero namatay sa sakit na kanser ang kanyang stepfather noong 2007 na nag-iwan ng kahungkagan sa puso niya.

Humubog sa kanyang katauhan ang paglaki niya sa Tondo at ang pagtira nila ng kanyang pamilya sa Canada noong 14 anyos pa lang siya. Sa Tondo, kasama nilang nanirahan sa isang malaking bahay ang marami nilang kamag-anak mula sa panig ng kanyang nanay tulad ng mga tito, tita, lolo at lola na nabibilang sa middle class.   Nabatid na merong machine rebuilding business ang kanilang pamilya sa Tondo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Nag-aaral pa siya noon sa St. Scholastica’s College.

At sa edad ngang 14 anyos, dumayo sila ng kanyang pamilya sa Canada. “Isa sa pinakamahirap kong ginawa ang mag-empake at lisanin ang Pilipinas,” sabi niya sa kanyang talumpati sa isang pagtitipon ng mga Filipino sa New York. “30 taon nang nakakaraan iyon at parang kahapon lang ‘yan.”

Sa Canada, parang tagalabas ang kanyang pamilya. Naging mahirap din ang buhay nila roon.  Panahon pa ng mga pangamba at pagkabuway. Sa Pilipinas noon ay merong mga corporate job ang kanyang  mga magulang pero, pagdating sa Canada, nagtrabaho lang ang mga ito sa isang pabrika na napakaliit ng sahod. “Hindi naman namin iyon ikinahihiya, ipinagmamalaki namin ang naging buhay namin. Pero naging mahirap nang panahong iyon,’ sabi pa niya sa Ingles na nagdiin na itinatampok lang dito ang tiyaga at pakikibagay ng kanyang pamilya.

Minsan, sa klase sa isang eskuwelahan sa Canada, tumayo si Charina para sagutin ang kanyang titser. Hindi niya alam na hindi niya kailangang tumayo mula sa kanyang upuan. Nagtawanan ang ibang mga bata.  “Walang tumatayo sa klase. Magsasalita ka lang dapat,” natatawang kuwento niya. “Minsan nga, hindi mo na kailangang magtaas ng kamay.”

Hindi naging sagabal kay Charina ang mga pagsubok na kinakaharap niya sa mga unang taon ng paninirahan sa Canada.   Sa edad na 15 anyos, nagsimula siyang maghanap ng sarili niyang mapagkakakitaan. Nagtatrabaho siya habang nag-aaral.  Naging tagatiklop siya ng mga damit sa isang tindahan sa shopping mall at kahera sa isang fastfood outlet.

Nagtapos siya ng economics sa prestihiyosong University of Waterloo (Waterloo, Canada). Nangutang siya sa gobyerno ng Canada para matustusan ang kanyang pag-aaral.  Determinado siyang ukitin ang sarili niyang kinabukasan.  Nakasuot siya ng pormal na damit na pang-opisina kapag pumapasok sa eskuwelahan dahil pinapangarap niyang makapagtrabaho sa banko. At nagkatotoo naman. Mahigit 20 taon na siyang banker at umasenso sa kanyang karera.

Nanirahan siya sa Amerika nang ilipat siya ng kanyang banko (UBS) sa New York City noong 2014 mula sa Toronto.  Bandang 2020 nang masangkot siya sa aktibidad ng mga Pilipino doon tulad sa International Society of Filipinos in Finance and Accounting at nagin grand marshal para sa pagdiriwang ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa susunod na buwan.

* * * * * * * * * * *

Email [email protected]

vuukle comment

OFW

UNITED STATES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with