EDITORYAL - Palawak nang palawak ang perwisyo ng POGOs
Hindi na maganda ang nangyayari ngayong pagdami ng Chinese nationals sa bansa. May mga estudyante at mga empleyado na mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO). Pero hindi lamang pala mga estudyante at empleyado kundi mayroon na ring mga doctor at nurses na Chinese. Ang mga ito ay nagtatrabaho sa isang ospital at nagsisilbi sa workers ng POGO.
Nabuking ang ospital nang salakayin ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang compound sa Pasay City. Hindi mapapansin ang ospital dahil ang signages ng building ay Chinese characters. Moderno ang ospital at kumpleto sa gamit. May mga dialysis machine, laboratory at surgery, hair transplant, cosmetic enhancement, dental chair at iba pa. Mayroon ding botika.
Noong nakaraang Marso, 800 katao ang na-rescue ng PAOCC sa isang POGO hub sa Bamban, Tarlac. Sangkot ang POGO hub sa human trafficking, scam at illegal detention. Ayon sa PAOCC, sinalakay nila ang POGO hub makaraang magreklamo ang isang Vietnamese national na nakatakas sa POGO hub.
Subalit ang nakaka-shock dito, pati ang mayor ng Bamban, Tarlac ay inaakusahang operator ng POGO. Nang imbestigahan ng Senado si Mayor Alice Guo, wala siyang maipakitang birth certificate, school record at iba pa. Kinukuwestiyon na si Guo ng Commission on Elections. Mariin namang tinanggi ni Guo na may kinalaman siya sa POGO.
Palawak pa nang palawak ang perwisyong dulot ng POGO sa bansa. Sa halip na makatulong sa ekonomiya ng bansa, pawang problema ang idinulot. Mula nang mag-operate ang POGOs sa bansa noong 2017, marami nang nangyaring pagpatay, kidnapping, human trafficking, crypto scam, money laundering, prostitution at iba pang krimen na nagbibigay ng kahihiyan sa bansa.
Maraming mambabatas ang pabor na buwagin na ang POGOs sapagkat ayon sa kanila, walang napapakinabang dito. Maraming senador ang nagpahayag na dapat nang buwagin ang POGOs. May mga senador na magsumite na ng report na nagdedetalye na hindi nagbabayad ng buwis ang POGOs.
Sa kabila na maraming mambabatas ang pabor sa pagbuwag sa POGOs, wala pa ring pagkilos sa pamahalaan. Sinabi minsan ni President Ferdinand Marcos Jr. na wala pa siyang nakikitang dahilan para buwagin ang POGOs. Ganito pa rin kaya ang posisyon ng Presidente sa kabila na marami nang nababalitang kasamaan ang dulot ng POGO sa bansa.
Sana mapag-isipan nang malalim ang mga problemang hatid ng POGO at ipag-utos ang pagbuwag o pagsuspende sa operasyon nito sa Pilipinas. Ngayon na dapat!
- Latest