Mabuhay ang mapagmatyag na Multinational residents
AGAD nagsiyasat ang National Bureau of Investigation at AFP Intelligence Service. Inalam ku’ng bakit may pulutong ng umano’y Chinese militiamen sa Multinational Village, Parañaque. Aalamin ku’ng infiltrators sila, habang umiinit ang away ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Mga residente ng subdivision ang naglantad sa maaring infiltrators. Nagpo-formation daw tuwing umaga ang mga Chinese. Nag-eehersisyo at jogging sa paligid ng subdivision. May lider ng pulutong na sumisigaw ng utos.
Umangal si Homeowners Association director Geraldine Natividad sa pangyayari. May mga Chinese na umuupa sa mga bahay at nagpapatira sa 50 katao. May mahigit sampung restoran at spa salons na eksklusibong pang-Chinese. Bumili ang kinatawan ng Chinese ng mahigit 800 vehicle stickers para sa service vans. Pinatotohanan ‘yan nila homeowners Dennis Sanchez at Raymundo Sian.
Pinaratangan sila ng Metro Manila Southern Police District ng pagsisinungaling kesyo raw may hindwaan ang 2,500 residente. Hati raw sila sa mga pabor at kontra sa Chinese commercial establishments.
Ipagpalagay nang hati ang mga residente, pero bakit pinaratangan ng SPD ang isang paksyon ng “pagkalat ng fake news”? Bakit hindi na lang diretsong iulat na may hidwaan? Ito ba’y dahil natatakot ang SPD masabon ng PNP general headquarters dahil sa kapabayaan?
Limang kilometro lang ang Multinational sa Fort Bonifacio, headquarters ng Army at ng Marines. Katabi nu’n ang Villamor Base, headquarters ng Air Force. Maraming Chinese ang nagtatangkang umupa sa gilid ng dalawang kampo. Babala ‘yan nina retired generals Edgard Arevalo at Edilberto Adan.
Noon pang 2020 nagpaimbestiga si Senator Dick Gordon. Nilantad ni Sen. Panfilo Lacson na may 3,000 Chinese espiyang militar.
- Latest