EDITORYAL — Bantayan, pagdagsa ng mga Chinese sa bansa
HINDI lamang pala sa Cagayan dumadagsa ang Chinese nationals kundi sa marami pang lugar sa bansa, sabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ayon kay AFP chief of Staff General Romeo Brawner Jr., maski sa Zamboanga del Sur ay may mga Chinese nationals na namamataan. At nagtataka si Brawner sapagkat ang mga Chinese na namamataan sa komunidad ay hindi marunong magsalita ng kahit katiting na Tagalog.
Nagsimulang mabahala si Brawner sa pagdagsa ng mga Chinese sa Cagayan na umano’y mga estudyante. Nang mag-verify sila sa mga umano’y naka-enroll na Chinese sa mga unibersidad sa Cagayan, wala ni isa man sa mga ito ang marunong magsalita ng Tagalog o kaya’y English. Umano’y mahigit 4,000 Chinese students ang dumagsa sa bansa at karamihan ay nasa Cagayan. Nangungupahan sila sa mga bahay na malapit sa unibersidad. Ayon sa report, nagsimulang dumagsa ang mga Chinese students noong 2017.
Nang magsalita si Brawner sa third anniversary ng Zamboanga del Sur bilang malaya sa mga terorista, hinikayat niya ang mga local officials na maging mapagmatyag sa mga Chinese na dumadagsa sa bansa. Napagtagumpayan na aniya ng AFP na matalo ang communist rebels at local terror groups gaya ng Abu Sayyaf at ngayon naman ay ang banta ng pangangamkam sa West Philippine Sea. Sabi pa ni Brawner, dapat maging alerto ang mga lokal na opisyal.
Hindi lamang si Brawner ang nagtataka sa pagdagsa ng mga Chinese kundi pati na rin si Sen. Risa Hontiveros. Naalarma si Honteveros sa pagdagsa ng umano’y Chinese students sa Cagayan kaya hiniling niyang magkaroon ng inquiry ang Senado. Ipatatawag umano ng Senado ang mga opisyal ng Bureau of Immigration, Department of National Defense at Commission on Higher Education. Si Honteveros ang nagbulgar ng “pastillas scam” kung saan nakakapasok sa bansa ang mga Chinese dahil sinusuhulan ang mga corrupt sa Bureau of Immigration. Sabi ni Honteveros baka “pastillas scam 2” ang nangyayari ngayong pagdagsa ng mga Chinese.
Nararapat na ang pag-iimbestiga sa pagdagsa ng mga Chinese sa bansa. Hindi ito maliit na problema lalo pa’t may tensiyon sa WPS. Patuloy ang ginagawang pag-angkin ng China sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas at hindi kinikilala ang ruling na inilabas ng international court. Lalong uminit ang isyu nang mabulgar ang “gentleman’s agreement” sa pagitan ni dating President Duterte at Chinese leader Xi Jinping.
- Latest