EDITORYAL — Pati menor de edad na babae, binabaril
HANGGANG ngayon wala pang naaaresto sa karumal-dumal na pagpatay kay Jenny Balacuit, 13, Grade 8 student sa Agoncillo, Batangas noong Miyerkules ng umaga. Ganito na ba talaga kahina ang Philippine National Police (PNP) at wala pang nahuhuli sa pagpatay. Sabagay, kahit nga ang mga pinaghahanap na sina dating Bureau of Correction (BuCor) chief Gerald Bantag at ang nagpakilalang “appointed son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy ay hindi pa rin nakikita para panagutin sa inaakusa sa kanila. Si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ay naaresto na sa Timor Leste pero hindi pa naibabalik sa bansa. Si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 2023. Pinagbabaril si Degamo at walong iba pa.
Nakapanghihilakbot ang pagpatay kay Balacuit. Binaril ito sa ulo habang naglalakad papasok sa Banyaga National High School dakong alas sais ng umaga. Isang 9mm na baril ang ginamit sa pagpatay. Nang bumulagta ang dalagita, mabilis na tumakas ang gunman. Dinala sa ospital ang dalagita pero dead on arrival na ito.
Ayon sa pulisya, ang suspek na inakala ng mga taong nakasaksi ay maghahatid din lamang ng estudyante sa school ay biglang bumunot ng baril at pinaputukan ang dalagita nang malapitan. Ayon pa pulisya, nakita pang nakikipagbiruan ang suspect sa isang barangay tanod bago isinagawa ang krimen. Hindi naman daw namukhaan ng tanod ang gunman. Tinitingnan na ng pulisya ang CCTV footage para matunton ang suspect.
Ayon naman sa kapatid ng dalagita, wala silang alam na nakagalit o nakaaway ito. Wala rin daw itong ikinukuwento sa kanila. Nananawagan sila ng hustisya sa ginawang pagpatay sa kanyang kapatid.
Maraming krimen ngayon na baril ang ginagamit. Bigo ang pulisya na masamsam ang mga hindi lisensiyadong baril. Ayon sa PNP, humigit-kumulang sa 700,000 ang loose firearms sa bansa. Karamihan umano sa loose firearms ay pag-aari ng mga pulitiko na may private army. Patuloy din umano ang gun smuggling sa bansa.
Tuwing magkakaroon ng election, nagkakaroon ng election gunban at masidhi ang pagsasagawa ng PNP para masamsam ang mga baril na hindi lisensiyado. Bakit kailangan pang hintayin na magkaroon ng election bago magsagawa ng mga pagsamsam sa mga baril? Dapat maging regular ang kampanya laban sa loose firearms para hindi ito magamit sa krimen. Kamakailan, sinabi ng PNP na maaari nang magmay-ari ng automatic rifle ang sinuman. Paano mababawasan ang baril sa bansa kung ang PNP mismo ang naghihikayat sa publiko na magmay-ari nito? Iligtas ang mamamayan sa karahasan. Samsamin ang loose firearms.
- Latest