EDITORYAL - Mga estudyante o espiya?
Nakapagtataka ang pagdagsa ng umano’y mga estudyante mula China sa mga unibersidad at kolehiyo sa Cagayan. Nasa 4,600 ang mga estudyante at mga nakaenrol sa kolehiyo at unibersidad sa Tuguegarao. Nangungupahan ang mga estudyante sa mga bahay na malapit sa unibersidad. Ayon sa report, 2019 pa nang magsimulang dumagsa sa Cagayan ang mga estudyante at nagsipag-enrol sa mga unibersidad sa Cagayan.
Ang presensiya ng mga Chinese students sa Cagayan ay labis na ikinabahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nagsasagawa na ng pag-iimbestiga ang AFP ukol dito at nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa Philippine National Police (PNP). Siniseryoso umano nila ang pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese at hindi sila titigil hangga’t hindi nalalaman ang dahilan nito.
Nagpahayag din ng pangamba ang House of Representatives sa pagdagsa ng mga Chinese students at gusto nilang maimbestigahan ito. Sabi ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, nakaalarma na ang pagdagsa sa bansa ng Chinese workers, businessmen, tourists at ngayon naman ay mga estudyante. Nagsisimula na aniya ang pagsakop ng China sa Pilipinas.
Nakapagtataka naman kung bakit ngayon lang ito nabulgar gayung 2019 pa pala nagsimula ang pagdagsa ng mga estudyante. Paano naman nakalusot ang mga estudyante sa local officials ng Cagayan? Sabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba, dokumentado ang mga estudyante ng Department of Foreign Affairs at may pahintulot ng Commission on Higher Education (CHED) ang pag-aaral ng mga ito. Idinagdag pa ni Mamba na hindi na kailangang magsagawa ng imbestigasyon ang House of Representatives ukol dito. Hindi naman daw banta sa seguridad ang mga estudyante at hindi dapat iugnay sa nangyaring tensiyon sa West Philippine Sea.
Hindi masisisi ang AFP kung maghinala na espiya ang mga estudyante lalo pa’t sa Cagayan sila nagsipag-aral at nanirahan. Dalawang EDCA (Enhanced Cooperation Agreement) sites ang nasa Cagayan. Isa sa Lal-lo Airport at Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana. Bakit sa dinami-rami ng EDCA sites ay Cagayan ang napili ng mga estudyanteng Chinese?
Ipagpatuloy ng House of Representatives ang balak na pag-iimbestiga sa pagdagsa ng Chinese students para malaman ang buong katotohanan. Nakapagdududa ang pagdagsa ng mga Chinese ngayon na pati sa Philippine Coast Guard ay may mga nakapasok bilang personnel. Naghahatid ng pangamba ang ginagawa ng mga Chinese lalo ngayong nagkaroon ng gentleman’s agreement si dating President Duterte at Chinese leader Xi Jinping.
- Latest